
Sa ika-apat na yugto ng ating Mindoro Expedition, papasukin naman ni Jay ang isang lugar na iniiwasan ng karamihan, ang kulungan. Sa bayan ng Sablayan matatagpuan ang ikalawa sa pinakamalawak na kanlungan ng mga sentensyado nating kababayan – ang Sablayan Penal Farm. Dito nakapiit ang mga taong may mabibigat na kaso tulad ng carnapping, rape at murder. Pero ang kadalasang masamang imahe ng mga bilanggo, binigyan ng bagong mukha ng mga nakapiit sa Sablayan Penal Farm. Kapaki-pakinabang at puno ng pag-asa ang mga bilanggo dito. Nagsasaka, nangingisda at nag-aalaga ng mga baboy at manok ang mga bilanggo sa loob ng malawak na Penal Farm para sa knailang pang-araw araw na pagkain. Makikilala rin ni Jay ang ilan sa mga preso na kasapi ng dance group at choir, maging ang pinakamatandang nakapiit dito na nagsusumikap mag-aral magbasa at magsulat.

Tinagurian mang ‘Mina de Oro’ o goldmine ang Mindoro, hindi lang ginto ang minimina dito, minimina na rin ngayon sa isla ang batong jade - isang batong karaniwa’y kulay berde. Pero higit sa mineral, ang tunay na yaman ng isla ay ang mga nainirahan dito. Sa bayan ng Mamburao, natatangi naman ang isang Mangyan dito dahil sa kanyang mga mata na kulay asul. Kahanga-hanga rin ang isang babaeng bagamat putol ang dalawang kamay ay nakaguguhit pa rin gamit ang kanyang mga paa at nakalalangoy sa dagat.

Mayaman din ang kultura at tradisyon ng mga Mindorenyo. Iba’t ibang nakagawiang pagkain sa Mindoro ang ating natuklasan. Una na diyan ang uok o mga uod na sa patay na puno naninirahan, at coral worm na kilala sa isla ng lubang sa tawag na “ari ng kabayo.”

Huwag bibitiw sa ating Mindoro Expedition ngayong Biyernes, sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!