ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Breakdancer na may polio, kilalanin sa 'Motorcycle Diaries'


PANAY EXPEDITION 3 - CAPIZ
APRIL 04,2013
 
Sa ikatlong yugto ng ating Panay Expedition, aarangkada na ang Motorcycle Diaries para ikutin ang probinsiya ng Capiz.
Samahan si Jay na mag foodtrip dahil kilala ang ang kapitolyo ng Capiz na Roxas City bilang “Seafood Capital of the Philippines.” Dito matitikman ang sarap ng iba’t ibang pagkaing-dagat tulad ng alimango, talaba, pusit at tulya. Bibisitahin din natin ang breeding farm ng isa sa mga mahal na isda tulad ng lapu-lapu.
Pero sa isang barangay sa Capiz, may exotic food na hindi mo iisiping kinakain ng mga tao – ang mga sasing o sandworms! Tuwing lowtide matiyagang kinukuha ng ilang Capiznon sa buhangin sa dalampasigan ang mga sasing. Ang mga uod na ito kanilang niluluto at kinakain para malamnan ang kumakalam na tiyan.
 
Isang uri naman ng lamang dagat ang imbes na kainin ay pinagkakakitaan ng mga Capiznon bilang dekorasyon. Sinasabing sa lamang dagat ding ito nagmula ang pangalan ng probinsiya – ang Capiz shells. Noong panahon ng mga Kastila naging salamin ng marangyang estado sa buhay ang paggamit ng mga Capiz shell bilang dekorasyon sa bahay. Ngayon, makikita na ang mga capiz shell products tulad ng chandelier sa ilang mga hotel sa Capiz.
 
Samahan din si Jay na tuklasin ang malalim na kasaysayan ng probinsiya ng Capiz. Sa Roxas City ipinanganak ang isa sa natatanging personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas. Dito isinilang ang unang Presidente nang maging republika ang Pilipinas – si Pangulong Manuel Roxas. Ating libutin ang Acuna House, ang ancestral house na sinilangang ni Pangulong Roxas.
 
Pero hindi lamang dating pangulo ang mga natatanging tao sa Capiz.  Kahanga-hanga rin maging ang ilan nating kababayan dito na may kapansanan. Dalawang taon pa lang si Lloyd ng magkaroon ng sakit na polio, dahil dito, hirap siyang lumakad. Pero hindi ito naging hadlang para mailabas niya ang kanyang talento sa pagsasayaw. Sa katunayan, si Lloyd... isang breakdancer!  
Sa Barangay Dumolog naman naninirahan si Mang Ronaldo. Himala raw ng nabuhay pa siya matapos tamaan ng sakit na tigdas ng ipanganak. Pero pagkatapos makaligtas sa tigdas, nabaldado naman ang kanyang mga paa. Pagkalipas ng tatlong dekada, nagkaroon ng sariling pamilya si Mang Ronaldo. Pilit niyang itinataguyod ang sampung anak sa kabila ng kanyang kapansanan.
 
Angkas na sa ikatlong yugto ng ating Panay Island Expedition ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries, sa GMA News TV channel 11!  
Tags: plug