ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Paghahanap sa gintong pugad ng El Nido, susundan sa 'Motorcycle Diaries'


GINTONG PUGAD
MOTORCYCLE DIARIES SPECIAL
July 04, 2013
 
Sa bayan ng El Nido sa Palawan, itinuturing na biyaya ng mga tagarito ang isang klase ng pugad ng ibon. Pangunahing sangkap kasi ng pamosong Nido Soup na mabibili sa mataas halaga ang pugad ng ibong balinsasayaw. Kaya naman ang ilang residente ginawa ng hanapbuhay ang pagkuha ng mga pugad na ito.
 
Pero kakambal ng pagkuha ng mga pugad ang peligro.  Kailangan muna kasing tawirin ang maalon na dagat at akyatin ang madulas, matarik at mabatong bangin kung saan matatagpuan ang mga pugad. Pero sa kabila ng panganib at banta sa kaligtasan... matanda man o bata, buong tapang na inaakyat ang mabatong bangin maabot lamang ang pugad ng mga ibong balinsasayaw.  Sa isang natatanging paglalakbay, samahan si Jay na kilalanin ang ilang mga pamilyang sinusuong ang panganib makuha lamang ang “gintong pugad.”

Mahigit isang oras ang binabiyahe ni Mang Kiko at ng tatlong anak niya para marating ang isla kung saan sila nangunguha ng pugad.  Pero pagdating sa isla, imbes na dumaong sa pampang, inihihimpil nila ang kanilang bangka sa harapan ng mabatong bangin.  Nakatali man sa mga nakausling bato ang kanilang bangka, hindi pa rin nawawala ang panganib na dulot ng malalakas na along humahampas dito at sa bangin.  


Matapos maiangkla ang kanilang bangka, agad umaakyat ang mga anak ni Mang Kiko sa bangin. Sa maliliit na butas sa bangin kasi nagpupupugad ang mga balinsasayaw. Tanging ang mga bata lamang ang kakasyang lumusot sa mga butas na ito. Tuwing habagat at mahangin, nadaragdagan ang hirap ng pag-akyat ng mga bata sa matarik at madulas na bangin. Anumang oras maaari silang mahulog at madisgrasya. Puno man ng pangamba, hindi na ito alintana ng mga bata.  Ang mahalaga, makakuha ng mga pugad para makatulong sa magulang at may maipambili ng bigas.
 
Dati ring kasama ni Mang Cecilio ang anak sa pag-akyat sa mga bangin para kumuha ng pugad ng balinsasayaw. Pero simula ng aksidenteng mahulog ang kanyang anak na siyang ikinamatay nito, mag-isa na lamang sa Mang Cecilio sa pangunguha ng pugad.  Dahil sa pangyayari, napuno ng pagdadalamhati ang pamilya ni Mang cecilio.  Pero gusto man niyang tumigil na sa mapanganib na hanapbuhay na ito, hindi niya magawa. Manganganak na kasi ang kanyang asawa at kailangan nila ng perang ipambabayad sa ospital.
 
Sa isang espesyal na pagtatanghal, pakinggan ang kuwento ng mga kababayan nating buhay at kaligtasan ang itinataya para lamang kumita.  Alamin kung ano ang nagtutulak sa kanilang sumuong sa peligro maabot lamang ang “gintong pugad” ngayong Huwebes, 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!

Tags: plug