ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc', bibiyahe sa India ngayong Agosto


MOTORCYCLE DIARIES 2nd Anniversary Special
 
INDIA EXPEDITION
begins August 15, 2013
Kung noong isang taon, bumiyahe ang Motorcycle Diaries Team sa mga bansang Malaysia, Brunei at Indonesia…  Sa ikalawang anibersaryo ng Motorcycle Diaries ngayong Agosto, maglalakbay naman si Jay sa bansang ikalawa sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo, bansang may mayamang kasaysayan, makulay na kultura, nagagandahang monumento at istruktura at itinuturing na pangunahing transportasyon ang motorsiklo – ang bansang India!
Sa isang natatanging paglalakbay kasama ang isa sa motorcycle icon sa Pilipinas na si Joey Almeda, dadalhin tayo ni Jay Taruc mula sa kapitolyo ng India sa New Delhi hanggang sa lungsod ng Agra kung nasaan ang sikat na Taj Mahal para sa India Expedition.  Lilibutin ni Jay sakay ng motorsiklo ang lungsod ng New Delhi at bibisitahin ang mga kilala nitong monumento at istruktura tulad ng Lotus Temple, Quitub Minar at ang templo ni Hanuman, isa sa mga diyos ng Hindu na may anyong unggoy.
 
Pinasyalan rin nila Jay ang Train Museum sa New Delhi at sumakay sa Mono Rail. Sumakay rin sila sa mga lokal na transportasyon sa lungsod tulad ng ‘tuktuk’ na nahahawig sa ating tricycle at ‘rickshaw’ na tila kalesa naman na hila-hila ng tao.
 
Sisilipin din nila Jay ang mga sinaunang motorsiklo sa Sharma Motorcycle Depot. Masasaksihan ni Jay dito kung paano ayusin at pagandahin ang mga lumang motor. Ang ilan ditong motorsiklo panahon pa ng World War 2 nang huling nagamit pero matapos ayusin at ibalik sa dati nitong ganda ay maaari na muling patakbuhin. Bibisitahin din nila Jay si Garmukh Singh na may koleksyon naman ng 71 vintage na motorsiklo at ilang sinaunang kotse.
 
Hindi rin palalagpasin ni Jay na matikman ang mga authentic Indian cuisine na mayaman sa curry at iba pang pampalasa.  Babaybayin niya ang kahabaan ng Chandni Chowk, isang kalye sa India na kilala dahil sa dami ng mga restaurant at tindahan na naghahanda ng mga tradisyunal na pagkain ng India.  Sasadyain niya dito ang pinakamatandang restaurant, ang Pt. Gaya Prasad Shiv Charan para saksihan kung paano iniluluto ang Parantha, tinapay na hinahaluan ng ibat-ibang gulay.
 
Isang komunidad na nababalot naman ng hiwaga at mahika ang papasukin ni Jay. Sa loob ng limang dekada naging kanlungan ng mga mahikero, puppeteers, acrobat at snake charmers ang Kathputli community.  Dito makikilala ni Jay ang ilang pamilya na eksperto sa mahika at matutunghayan ang iba pang natatanging pagtatanghal.
  
Mula New Delhi, sasamahan naman ng grupong Born2Ride si Jay at Joey papunta sa lungsod ng Agra.  Isa ang Born2Ride sa pinakakilala at pinakamalaking cruiser bike group sa India.  Sa loob ng limang oras na pag-arangkada patungong Agra, masasaksihan nila Jay ang mga nagagandahang tanawin.  Pagdating sa Agra, papasyalan nila Jay ang isa sa pinakasikat na istruktura sa buong mundo, ang Taj Mahal na ipinatayo ng emperador na si Shah Jahan bilang pag-alala sa kanyang asawa na si Mumtaz Mahal.  Bibisitahin din nila ang Agra Fort na naging tahanan ng mga emperador sa India ng ilang siglo.
 
Susubukan din ni Jay sa dhobi ghat sa Agra ang kakaibang paraan ng paglalaba ng mga Indian. Bukod sa pagpalo sa mga labahin, tila niluluto dito ang mga tela.
 
Kakamustahin din ang ating mga kababayan na naging matagumpay sa India.  Pakikinggan ni Jay ang pagtatanghal ng isa sa mga kilalang banda ngayon sa New Delhi, ang Big Band Theory na binubuo ng mga musikerong Pinoy.  Ililibot rin tayo ni Virgie Saxena sa kanyang tahanan sa New Delhi na matapos makapag-asawa ng Indian ay dito na  nanirahan.    
 
 Papasyalan sa New Delhi ang isang tahanan na may maraming Filipino handicrafts, may bahay kubo at may taniman ng kangkong at iba pang gulay mula sa Pilipinas.  Pag-aari ito ni Sheryl Westhauser, isang Pinay na nais ipakilala ang kultura at tradisyong Pilipino sa India.
 
Simula ngayong Agosto, angkas na at huwag bibitiw sa pag-arangkada ni Jay mula New Delhi hanggang Agra sa 2nd Anniversary Special ng Motorcycle Diaries India Expedition!  
Motorcycle Diaries Team at the Taj Mahal
Tags: plug