ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Mag-food trip sa India kasama ni Jay Taruc at ng 'Motorcycle Diaries'

MOTORCYCLE DIARIES
2nd Anniversary Special
INDIA EXPEDITION PART 3
Sa pagpapatuloy ng ating India Expedition kikilalanin naman natin ang ibang mukha ng mga pangkaraniwang Indiano, na tila tulad ng maraming Pinoy, humaharap din sa dagok ng kahirapan.
Sa gilid ng makasaysayang Yamuna River sa Agra, araw-araw makikita ang ilang Indiano na abala sa paglalaba ng mga damit at kumot. Dhobi Ghat ang tawag sa lugar na ito na mula sa salitang “dhobi” o tagalaba, at “ghat” na ang ibig sabihin ay lugar. Dito nakilala ni Jay si Zameel. Kasama ang kanyang asawang si Bilkish, manu-mano nilang nilalabhan ang tambak ng damit at mga kumot gamit ang palu-palo.

Gumagamit rin sila ng kemikal na inilalagay nila sa mga naglalakihang dram na puno ng labahin. Pagkatapos nito, inaapuyan nila ang ilalim ng mga dram para painitin na animo’y mga lutuan. Ito raw ang kanilang paraan para matanggal ang dumi at mantsa.

Isang komunidad naman na nababalot ng hiwaga at mahika ang papasukin ni Jay. Isa ang Kathputli Community sa pinakamahirap na komunidad sa New Delhi. Pero kung gaano man daw kasalat ang buhay ng mga residente rito, ganon naman sila kayaman sa talento. Dito nakilala ni Jay si Kishan, ang pinakasikat na juggler sa lugar. Tila laruan lamang ang matatalas na espada kung kanyang ihagis at saluin habang nagtatanghal. Dahil sa kanyang husay, nakapagtanghal na siya sa Amerika at Europa. Pero sa kabila nito lugmok pa rin sa kahirapan ang kanyang pamilya.



Sinubukan naman imaneho ni Jay ang hari ng lansangan sa India na pangunahing sasakyan ng masa - ang rickshaw na may dalawang klase. “Rickshaw” ang tawag sa unang klase na tila kalesa ang itsura. Pero imbes na kabayo, tao ang humihila rito. “Auto-rickshaw” naman ang tawag sa rickshaw na de-motor na pinaghalong tricycle at multicab ang itsura.

Sakay ng rickshaw, inikot nila Jay ang Chandni Chowk, ang isa sa pinakasikat na distrito ng pamilihan sa New Delhi. Dahil sentro ng komersyo, ibat ibang tindahan ang makikita dito. Bawat kalye may espesyal na produktong itinitinda kaya naman ang ilang lansangan kilala depende sa panindang kanilang ibinibida tulad ng Darib Kalan na kilala bilang “wedding market” dahil matatagpuan dito ang ibat ibang klaseng damit at gamit pangkasal.
Umikot rin sila Jay sa Kinari Bazaar kung saan nakahilera ang ibat ibang food stalls at restaurant. Dito nila nasaksihan kung paano inihahanda ang ilang tradisyunal na pagkaing Indian tulad ng Paranthas na isang uri ng flat bread na karaniwang pinapalamanan nila ng gisantes, patatas, cauliflower at hinahaluan ng iba’t ibang klaseng sarsa.


Kapit ng mahigpit dahil tuloy-tuloy ang ating pag-arangkada sa ikatlong yugto ng India Expedition sa Motorcycle diaries ngayong Huwebes 10PM, sa GMA News TV channel 11!
More Videos
Most Popular