ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kwento ng mga 'batang magnet', pakikinggan sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'



BATANG MAGNET

MOTORCYCLE DIARIES SPECIAL
September 19, 2013

 
Isa sa pinakamahalagang metal ang ginto.  Pero para sa ilang kabataang nakatira sa ulingan at pantalan sa Tondo Manila, gintong maituturing ang mga kinakalawang na bakal at pako.  Matiyaga nila itong hinuhukay sa uling at basura para lang magkaroon ng kakarampot na kita.  Sa isang espesyal na paglalakbay, kakamustahin ni Jay ang ang mga batang magnet at pakikinggan ang kanilang kuwento ng pagsubok at pagsisikap.

Sa isang ulingan nakilala  ni Jay ang magpinsang Alvina at Daisy.  Labing isang taon lang si Alvina habang siyam na taon naman si Daisy pero sa mura nilang edad kumakayod at tumutulong na sa pamilya ang dalawa.  Mala-impyerno man ang itsura ng ulingan sa unang tingin dahil sa init at kapal ng usok, langit naman itong itinuturing ng magpinsan.  Dito sila kumukuha ng kabuhayan.
 
Gamit ang magnet, sinusuyod nila ang buhangin kung saan sinunog at ginawang uling ang mga kahoy na mula sa mga ginibang bahay.  Kakapit sa magnet ang mga lumang pako na nagmula sa mga inuling na kahoy. Karaniwang isang kilo ang naiipong bakal at pako ng bawat isa sa maghapong pagma-magnet.  Kung susuwertihin, umaabot ng hanggang tatlong kilo ang kanilang nakukuha.  Ang mga naipong pako, naibebenta lamang nila sa halagang dose pesos kada kilo.

Ang mas nakalulungkot, tuwing magpupunta sa ulingan ang magpinsan kaakibat ang panganib sa kanilang kalusugan at kaligtasan. Ilang beses na raw silang napako sa kamay at paa. Wala kasi silang suot na guwantes sa kamay at tanging manipis na tsinelas lang ang kanilang proteksyon sa inaapakan na puno ng mga pako at bakal.
 
Tulad ng magpinsang Alvina at Daisy, mga batang magnet din ang trese anyos na si Kimvi at kaibigang si John Carl. Pero hindi sa ulingan sila dumidiskarte ng bakal.  Bago pumasok sa eskwela, dumidiretso muna sila sa pantalan.  Puno man ng lumulutang na basura, walang takot nilang sinisisid ang maitim na tubig ng dagat. Gamit ang magnet, sinusuyod nila ang burak sa ilalim sa pag-asang may bakal na kumapit dito na nagmula sa mga barkong naka-angkla.

Dahil wala silang anumang gamit para makahinga sa ilalim ng tubig, ilang beses nilang kailangang sumisid at umahon para magmagnet ng bakal. Wala rin silang suot na anuman sa mata para makakita sa ilalim. Kaya naman sa bawat pagsisid, panganib din ang sinusuong ng magkaibigang si Kingvi at John Carl.  Maaari ring pagmulan ng mga sakit ang marumi at maitim na tubig.

Samahan si Jay sa isang paglalakbay sa buhay ng mga batang magnet na kalusugan at kaligtasan ang itinataya para lamang kumita. Alamin kung ano ang nagtutulak sa kanilang sumuong sa peligro, ngayong Huwebes, 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!