ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Midnight road trip sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'



#MidnightRoadtrip

MOTORCYCLE DIARIES
HALLOWEEN SPECIAL - Part 1
OCTOBER 24, 2013

 
Ngayong nalalapit na ang Undas, samahan si Jay sa isang kakaibang paglalakbay sa mga lugar na nababalot ng hiwaga at kababalaghan.
 
Sa unang yugto ng kanyang midnight roadtrip ngayong Huwebes, babaybayin ni Jay ang isang kalsada na napagigitnaan ng sementeryo.  Sisiyasatin ni Jay ang mga kuwento sa likod ng mga kaluluwang nagpaparamdam umano sa mga motoristang dumaraan dito. Kanyang makakausap ang ilang residente na nakasaksi ng kaluluwa ng mga batang naglalaro at ng white lady.  At para mas maliwanagan ang mga nakapangingilabot na mga kuwento, hahanapin ni Jay ang sepulturero na gabi-gabing nagbabantay sa sementeryo.

Isang tulay naman ang iniiwasang daanan tuwing gabi ang sasadyain ni Jay.  Isang tricycle driver ang nakasama ni Jay magpunta sa tulay at kuwento niya... maraming elemento raw ang nagpaparamdam dito.  Pero ang tulay na tinutukoy pala ng mga motorista ay isang spillway.  Kuwento ng mga residente... marami raw kasing pinatay at itinapon malapit sa tulay.

Puno naman ng kababalaghan ang isang lansangan sa isang liblib na barangay. “Balawis” o bayolenteng tao ang tawag ng mga residente sa kalye na ang ibig sabihin daw ay “kinatatakutang lugar.”  Kuwento ng isang barangay tanod na nakilala ni Jay, kung hindi engkanto, mga ligaw na kaluluwa ang ang makikita dito.

Natatamnan ang gilid ng kalye ng mga naglalakihang puno ng Acacia noon.  Sa paglipas ng mga taon, pinagpuputol ang ilan sa mga Acacia kaya naman daw tila nabulabog ang mga elementong nananahan sa mga puno.  Habang naglalakad sa kalyeng ito sila Jay, nagpatay-sindi ang ilaw sa isang poste.  Ito na nga kaya ang tinutukoy ng mga residente na mga nabulabog na engkanto, ispirito o mga nilalang mula sa ibang mundo?

Angkas na at kumapit ng mahigpit kay Jay sa unang yugto ng Halloween Special ng Motorcycle Diaries kung saan babaybayin ni Jay ang mga kinatatakutang lugar at aalamin ang dahilan kung bakit ito iniiwasan, ngayong Huwebes, 10PM sa GMA News TV channel 11!