ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Antigo at ataul capital of the Philippines, tampok sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'



#antigo

MOTORCYCLE DIARIES
JULY 31, 2014
 
Samahan si Jay sa mundo ng hiwaga at lagim. Tutuntunin ni Jay ang mga antigong kagamitan na nababalot ng kuwento ng kababalaghan.
 
Sa Angat Bulacan, nakilala ni Jay si Mang Ruben na may-ari ng isang antique shop.  Maraming antigong kagamitan dito ang mahigit isandaang taon na ang edad. Pero ang agad aagaw ng iyong pansin, ang komoda o lumang aparador.  Gawa ito sa purong kahoy ng narra at may taas na sampung talampakan.  May kakaiba raw itong bigat ng kanilang mabili.  Pero ang mas nakakikilabot na kuwento... madalas raw may ingay na maririnig na tila katok o yabog sa mga pinto ng lumang aparador.
 
Isang lumang upuan naman ang itinago na lamang ni Mang Ruben sa kanilang silong. Panahon pa raw ng Kastila ang upuan na kung tawagin nila ay “silya del Gobernador.” Dati raw itong naka display sa kanilang tahanan pero mula ng mapadalas ang pagpapakita ng isang anino ng taong nakaupo dito, ibinaba na lang nila ito sa silong.  Paniwala nila, kaluluwa ito ng taong namatay sa upuan, hindi lamang sila sigurado kung isa itong prayle o gobernadorcillo na tawag sa dating pinuno noong panahon ng Kastila.  Kung susuriin, makikita pa ang bakas na iniwan ng tama ng bala sa upuan.  

Maging ang sikat na fashion designer na si Patis Tesoro, may mga kuwento rin na puno ng misteryo.  Sa kaniyang bahay sa San Juan, may isang kaluluwa raw na umaakyat sa hagdan patungo sa kaniyang kuwarto. Paniwala niya, kaluluwa ito ng  kanyang amang may tatlong dekada na mula ng sumakabilang buhay.  Sa kanilang ancestral house naman sa Laguna, kaluluwa naman ng anak niya ang nagpaparamdam.  Nakarinig daw sila ng malakas na tunog ng nabasag.  Nang kanilang siyasatin,  isang garapon o jar daw ang biglang nabutas na tila sinuntok.  Ito raw ang pahiwatig ng anak niyang pumanaw na

Binisita rin ni Jay ang “Ataul Capital of the Philippines” sa probinsiya ng Pampanga.  Dito kanyang nakilala ang ilang manggagawa ng ataul na nakararamdam daw ng mga ispiritong ligaw.  Nakausap rin ni Jay ang isang embalsamador na ilang beses ng nagkaroon ng nakakikilabot na karanasan gaya ng biglang paggalaw ng patay.  Sinadya rin ni Jay ang isang park ng paaralan na dati palang kinatitirikan ng isang funeraria.  Iba't ibang ispirito daw ang nagpaparamdam dito.
Huwag bibitiw sa huling yugto ng Halloween Special ng Motorcycle Diaries ngayong “Araw ng mga Patay” ngayong Huwebes, 10PM sa GMA News TV channel 11!