ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Mga pagsubok ng mga manggagawang musmos, tampok sa 'Motorcycle Diaries'
#ManggagawangMusmos
MOTORCYCLE DIARIES
November 13, 2014
Itinataya nila ang buhay at kaligtasan kapalit ng kakarampot na kita. Sa mura nilang edad, hindi nila alintana ang hirap at peligro para lang may makain. Kailan kaya makakatikim ng tagumpay at ginhawa silang mga manggagawang musmos?
Sa isang tibagan o quarry site sa probinsiya ng Rizal ang diretso ang onse anyos na si Den-den para magsala ng buhangin. Doble man ang hirap ng pagpapala sa tuwing tag-ulan at basa ang buhangin, hindi ito alintana ni Den-Den para lang kumita ng sapat pambili ng pagkain. Pangako niya sa sarili, tumulong sa ama at balang araw ay maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Sa gitna ng tirik na araw, tanging tubig na inumin ang naghahatid ng ginhawa sa katorse anyos na si Andrei. Madalas kasing nagtatrabaho sila buong maghapon nang hindi kumakain sa tanghalian para magtibag ng bato sa taas ng bundok. Higit din sa nakausling matatalas na bato na maaaring sumugat sa kanilang mga paa, mas pinangangambahan ni Andrei ang mahulugan ng gumuhong bato mula sa bundok.

Sa isang fishport sa Maynila, abala ang magkaibigang Linggit at Julius sa paghihintay ng mga bangkang may huling isda. Sa tuwing may parating na bangka ay agad nila itong nilalapitan para manghingi ng isda na kanilang iniipon para ibenta. Nag-aabang din sila sa mga isdang nahuhulog sa Bangka. Agad silang sumisisid sa dagat para kunin ang mga ito.

Kapag hindi sapat ang isdang nahingi ng magkaibigan, kanya-kanya sila ng diskarte para madagdagan ang kita. Ang dose anyos na si Linggit, naghahatak sa fishport ng banyera ng isda na hindi bababa sa beinte-singko kilo ang bigat.

Iba naman ang diskarte ng sampung taong gulang na si Julius. Para madagdagan ang pambili ng pagkain para sa pamilya, sumisisid siya sa dagat para manguha ng bakal. Sa madumi at maitim na tubig, kinakapa niya ang burak sa ilalim ng dagat sa pag-asang may makuhang mga lumang bakal. Pinipilit niyang pasanin ang mabigat na responsibilidad dahil maysakit ang kanyang ama samantalang ang kuya naman niya na katuwang sana ng kanyang ina sa pagtatrabaho, nakapiit sa kulungan.

Pakinggan at saksihan ang tatag ng loob at tayog ng pangarap sa kabila ng pagsubok at kahirapan ng mga manggagawang musmos ngayong Huwebes 10 PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!
More Videos
Most Popular