ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Balikan ang ating Davao Expedition ngayong Huwebes, sa 'Motorcycle Diaries


Ngayong Huwebes, muli tayong umarangkada at balikan ang mga natatanging lugar, kuwento at karanasan na nagbigay ng inpirasyon sa ating paglalakbay sa Davao.  Madayaw Davao!


 
Isang mabagsik na hayop na kilala sa Davao ang mga saltwater crocodile.  Sa may isang libo at limang daang buwaya sa crocodile farm, pinakamalaki si Pangil na may habang mahigit labingwalong talampakan o halos sintaas ng dalawang palapag na gusali.


 
Kakambal na raw ng pag-aalaga ng mga buwaya ang peligro pero sa kabila nito, malaki rin daw ang pakinabang sa buwaya. Isa sa mga exotic food na hinahanap-hanap at nais matikman ng mga turista sa tuwing magpupunta sa Davao ang karne ng buwaya.  Ilan sa mga kilalang luto rito ang Buwaya Sisig, Lechon Buwaya at ang panghimagas na Pandan Flavored Buwaya Ice cream!


 
Ilan pa sa mga kahanga-hangang Dabawenyong ating nakilala ay sina Mang Roger at mga anak na si Roldan, dose anyos, at Rodel, siyete anyos.  Maaga pa lang ay nagtutungo na sila sa kagubatan para maghanap ng pukyutan o beehive. 


 
Kapalit ng mga kagat ng bubuyog na nagdudulot ng pamamantal at pamamaga ay ang kakarampot na pulot o honey na kanilang ibinebenta.  Sa kabila ng peligro, umaakyat na rin ng puno at nangunguha ng pukyutan ang mga bata para makatulong sa kanilang ama.


 
Higit namang mapanganib ang kagat ng mga cobra.  Ilang minuto lamang matapos matuklaw ng cobra ay maaaring mamatay ang biktima dahil sa lakas ng lason o venom nito.  Pero sa kabila ng panganib, tatlong dekada ng nanghuhuli ng ahas na ito si Victor. 


 
Dahil dito, binansagan na siyang Victor Cobra ng Davao.  Ginagamit niya sa panggagamot ng kanyang mga kababayan ang mga cobrang nahuhuli.


 
Wala namang takot humarap sa peligro ang ilang kabataan sa Davao.  Pito sa miyembro ng Moto X Davao na kilala sa larangan ng motocross ay mga batang edad siyete hanggang kinse anyos.  Sa tuwing tumatalon sa rampa tila lumilipad sa ere ang kanilang motorsiklo.


 
Isang maling galaw ay maaaring mawala ang balanse sa paglapag ng motor at mauwi sa aksidente.


 
Kung pagkaing tatak Davao pa rin ang pag-uusapan, isang restaurant naman ang nakaisip na maghain ng iba’t ibang putahe mula sa saging na pangunahing produkto ng Davao.  Mula nang buksan ang Saging Repablik noong nakaraang taon, agad daw pumatok sa panlasa ng mga tao ang mga putaheng sabadobo o adobong hinaluan ng saging na saba, si-sag o sisig na saging, afrinana o afritadang may banana at gigingka o bibingkang gawa sa saging.


 
Kilala ang Davao City dahil sa kanilang tigasing alkalde, si Mayor Rodrigo Duterte na binansagang 'the Punisher' dahil sa kanyang kamay na bakal na pagpapatupad ng batas laban sa krimen at illegal na droga.  Mula nang maupo siya sa puwesto, bumaba daw ang bilang ng krimen sa lungsod.  Pero bukod sa dito, nakilala rin siya dahil sa hilig niya sa motorsiklo.


 
Angkas na at huwag bibitiw sa huling arangkada natin sa Davao ngayong huwebes 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA NewsTV channel 11!