Jay Taruc, sasabak sa Cannonball 2016!
Sakay ng motorsiklo kailangang bumiyahe ng mahigit isang libong kilometro sa loob lamang ng bente kuwatro oras. Ito ang matinding hamong kakaharapin ni Jay sa Cannonball 2016, na isa sa pinakamalaking motoring event sa bansa.
Hindi karera ang Cannonball, kundi isang endurance ride. Kaya hindi bilis ang labanan, kundi determinasyon at tatag ng katawan. Matira ang matibay.


Sa mahabang biyaheng ito maraming aberya ang maaaring mangyari gaya ng masiraan ng sasakyan, maaksidente o tuluyang bumigay ang katawan ng isang rider dahil sa pagod at antok.


Pero sa kabila nito, marami pa rin ang tumanggap ng hamon. Mayroong bumuo ng grupo, mayroon ding mga solo rider gaya ng American na si Charles at Indian na si Amarjit. Pero bawat isa sa kanila may kanya-kanyang dahilan sa pagsali sa Cannonball.

At dahil baguhang maituturing si Jay kumpara sa ibang kalahok, makakasama niya sa biyahe ang mag-asawang rider na sina Raymon at Malou na beterano na sa endurance ride.
