ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga ulirang ina, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


#MDPagpupugayKayNanay
Motorcycle Diaries
May 19, 2016

Ngayong Huwebes, bilang pagbibigay pugay sa ating mga nanay, tunghayan natin ang kuwento ng ilang natatanging ilaw ng tahanan na walang-pagod na iniaalay ang buo nilang katawan at kaluluwa alang-alang sa kanilang pamilya.

Hanggang saan ang kaya mong ibigay para sa iyong mga anak? Kailan magtatapos ang iyong pag-aaruga sa kanila? Para sa sitenta’y nuwebe anyos na si Nanay Biana, wala itong hangganan. Imbes na siya ang asikasuhin sa dapithapon ng kanyang buhay, patuloy pa rin ang pag-aalaga ni nanay Biana sa dalawang anak. Nasa hustong gulang man kasi ang kanyang mga anak, may karamdaman naman ang mga ito sa isipan. Hanggat may lakas si Nanay Biana, patuloy niyang aalagaan ang mga anak. Imbes na sariling kalusugan ang isipin, ang pangamba ni Nanay Biana, sino ang maga-alaga sa mga anak kapag wala na siya.   

Puno na ng paltos ang mga kamay ng singkuwentay siyete anyos na si Nanay Gamay sa paglalabada. Pero hindi niya ito alintana dahil dito niya naitaguyod mag-isa ang labing isa niyang anak matapos nilang maghiwalay ng kanyang asawa. Bagamat malalaki na ang mga anak niya at may sarili na ring pamilya, hindi pa rin tumitigil sa Nanay Gamay sa paglalabada. Siya kasi ang nag-aalaga sa dalawang apo ng anak niyang nagtrabaho sa ibang bansa. Pagsapit ng gabi, nangangapa sa dilim ang “ilaw ng tahanan” sa paga-alaga sa kanyang mga apo dahil gasera lamang ang nagbibigay liwanag sa munti niyang kubo sa itaas ng bundok.

Araw-araw, bago pa man sumikat ang araw ay bumabangon na ang sisenta’y singko anyos na si Nanay Zoraida. Sakay ng bisikleta ay nililibot niya ang kabahayan sa kanilang barangay para mangolekta ng kanin baboy. Pinandidirihan man ng iba ang tira-tirang pagkaing may masangsang na amoy, para kay Nanay Zoraida ay kayamanan itong maituturing. Ito kasi ang ipinapakain niya sa kanyang mga alagang baboy na kabuhayan nila sa loob ng tatlong dekada. Sa katunayan naigapang niya at napagtapos sa kolehiyo ang apat niyang anak sa tulong ng kinikita mula sa kanilang babuyan. Hindi lamang sa kanyang anak nagtatapos ang kanyang pagmamalasakit, tumutulong din siya sa kaniyang kapwa bilang volunteer health worker sa kanilang barangay.

Samahan si Jay sa isang natatanging paglalakbay para magbigay pugay sa ating mga nanay, ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!

Tags: plug