ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Lolo na lumulusong sa dagat ng basura, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


 


Araw-araw pumapalaot ang sisenta’y otso anyos na si Tatay Purding.  Pero hindi siya manghuhuli ng isda at lamang dagat. Dahil ang kanyang pakay, mga inanod na kahoy sa dagat. Ginagawa kasi niyang uling ang mga nakukuhang kahoy na kanya namang ibinebenta. Dahil wala siyang Bangka, sa isang balsang gawa sa kawayan at styropor siya sumasakay para makatawid ng dagat. Dito nakasalalay ang buhay ni Tatay Purding. Minsan na nga raw siyang nalagay sa alanganin habang sakay ng balsa nang lumakas ang hangin at alon. Malaking hamon din ang pangunguha ng kahoy. Karaniwan kasing humahalo ito sa mga basurang inanod din sa dagat. Kaya naman kailangan niyang tiyagain ang nakasusulasok na amoy habang sinusuyod ang dagat ng basura.

 


Sa dapithapon ng kanyang buhay, dumidiskarte pa rin ng mapagkakakitaan ang otsenta’y kuwatro anyos na si Nanay Lourdes. Mula sa bayan ng San Rafael sa Bulacan, araw-araw siyang bumibiyahe papuntang kapitolyo sa lungsod ng Malolos.  Sa parke kasi sa Kapitolyo siya nanlilimos ng barya. Ginagawa niya ito para makatulong sa bunso niyang anak na si Rosemarie. Mahina na kasi ito dahil sa sakit na tuberculosis at iniwan na rin ng asawa, kaya mag-isa na lamang nitong pinapasan ang mabigat na responsibilidad ng pagpapalaki sa limang anak. Kaya naman dumidiskarte pa rin si Nanay Lourdes para makatulong sa pagtataguyod ng kanyang limang apo.

Tunghayan ang pakikibaka nina Tatay Purding at Nanay Lourdes ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!