Kasaysayan ng Eleksyon, ngayong Linggo, May 5
Kasaysayan ng Eleksyon
Hosted by Kara David
Airing date: May 5, Linggo, 8:45 PM
Mahigit isandaang taon na ang nakalilipas matapos isilang ang eleksyon sa ating bansa. Ang proseso ng pagpili kung sino ang iluluklok sa pwesto ay itinuturing na isang sagradong ritwal ng mga Pilipino -- sagrado dahil ang paglilingkod sa bayan saan mang demokratikong bansa ay isang sagradong tungkulin. Pero hanggang saan nga ba ang ating nalalaman tungkol sa makulay, maingay, magarbo at minsa’y marahas na kasaysayan ng ating pagpili ng kandidato?
Para sa dokumentaryo ng GMA News TV na pinamagatang Kasaysayan ng Eleksiyon, isang mahalagang balik-tanaw ang ihahatid ngayong panahon ng eleksyon. Layunin nitong imulat ang kaisipan ng mga Pilipino, botante man o hindi, kung bakit mahalagang matutunan ang mga aral ng nakaraan.
Sino nga ba ang kandidatong nagpasimulang mangampanya gamit ang mass media? Bakit tinaguriang Man of the Masses si Ramon Magsaysay? Kailan nga ba naganap ang kauna-unahang dayaan sa eleksyon? Bakit nga ba ipinagbabawal na makaboto ang mga Pilipina noong panahon ng mga Amerikano? Sino nga ba ang pangulong nakaisip na gamitin ang pelikula para sa kanyang kampanya? At saan nga ba nag-uugat ang political dynasty sa ating bansa? Ilan lamang ito sa mga katanungang magsisilbing gabay para lalong maintindihan ng nakararami ang kapangyarihan ng ating boto at ang kakayahan nitong makapaghatid ng tunay na pagbabago sa ating bansa.
Ang Kasaysan ng Eleksyon ay pangungunahan ng Peabody Award winning journalist na si Kara David ngayong darating na May 5, Linggo, 8:45 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.