ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga dayuhang dukha sa 'Reel Time'


REEL TIME DAYUHANG DUKHA Airing date: Feb. 5, 2012 Isa raw sa bawat sampung Pilipino ang naghahangad na makalabas ng bansa para guminhawa ang buhay ng kanilang pamilya. Habang may ilan namang dayuhan, na nabibighani at nagpapasyang manirahan sa ating bansa. Sanay sa marangyang buhay ang marami sa kanila.

Pero sa isang iglap, nagbago ang kanilang estado. Nawalan ng trabaho. Nalustay ang yaman. Nagbago ang pananaw sa buhay. At hindi na nakabangon pa. Tila hindi na nga sila naiiba sa maraming Pilipinong isang kahig, isang tuka araw-araw. Kulay at pananalita na lang ang hindi nagbago sa kanila.

Ang dating marangyang banyaga, sila na ngayong DAYUHANG DUKHA.

WOLFGANG German National

Nagbitiw mula sa magandang trabaho sa bansang Alemanya bago siya nagpasyang manirahan sa Pilipinas. Pagkatapos ng tatlong taon, naubos ang dala niyang pera. Kaya ngayon, makikita siyang pagala-gala at natutulog sa mga kalye ng Maynila.

 

KURT American Citizen

Nagtatamasa siya noon ng mataas na suweldo bilang kapitan ng isang yate. Pero dahil sa isang hindi inaasahang pagkakataon, natanggal siya sa trabaho. May dalawang anak siya ngayon sa isang Pilipina. Pero dahil walang mapasukan, isang kahig-isang tuka silang nabubuhay sa isang maliit na bahay.

FRANS German National

Dating may-ari ng isang bahay-aliwan sa San Mateo, Rizal, pero sa abandonadong gusali na lang nakatira ngayon ang Aleman na si Frans kasama ang mga alagang-hayop. Hindi na raw nakikita ang sarili na makakatikim ng mas maginhawang buhay, lalo na't wala na rin daw siyang pera hindi katulad noong una siyang dumating sa Pilipinas.

EDWARD Portuguese

Parang taong-grasa na raw nang makita siya ng mga taga-Pulung Maragul sa Angeles, Pampanga. Pagala-gala, at walang makain. Kaya tinulungan siya ng mga residente at binigyan ng trabaho. Si Edward ang mukha ng kawalang pag-asa noon, pero unti-unting nakakabangon sa tulong ng mga Pilipinong nagmalasakit sa isang banyaga.

Ngayong Linggo ng gabi, inihahandog ng GMA News and Public Affairs ang makabuluhang dokumentaryo sa tagumpay at kasawian ng mga dayuhang naninirahan sa Pilipinas. Mapapanood sa February 5, 2012, Reel Time presents DAYUHANG DUKHA, 8:45 ng gabi pagkatapos ng Good News sa GMA NewsTV Channel 11.

Tags: plug