'Reel Time' Rewind: 2012 Year-end Special
REEL TIME REWIND Year-end Special Airing Date: December 30, 2012 8:45PM on GMA News TV Channel 11 Tuwing Linggo ng gabi, naghain ang Reel Time ng mga makabuluhan at dekalibreng dokumentaryo na sumalamin sa iba’t-ibang mukha at aral ng buhay. Nagbigay ngiti, kumurot sa puso at pumukaw sa kamalayan ng bawat Pilipino, tinampok namin ang mga dokumentaryong pelikula ng totoong buhay. Kalakip ng bawat kwento, ang mga karakter na tumatak at minahal ng mga manonood. Bukod sa paghahangad ng Reel Time na maipalabas ang mga kwento ng mga ating mga kababayan, nagsilbi rin itong tulay para sa mga nais tumulong. Kumusta na nga ba ang mga batang mangingilaw na sina Teban at Izzy ng Alitaptap sa Dagat? Nakakain na kaya ng pangarap niyang pritong manok si Mary Rose ng Salat? Saan na nga ba napunta ang mga dayuhan ngDayuhang Dukha? Mula Pilipinas, dinala ng Reel Time ang mga manood sa ibang mga bansa para tunghayan ang mga kwentong nagpa-ibig at nagpamulat sa atin. Tinawid natin ang mga kontinente at nagtungo ng Germany para saksihan ang Walang Hanggang Pagtatagpo ng mga Pilipino at Alemang nag-iibigan. Sinundan din ang mga Batang Halau sa Malaysia at namulat sa kawalang karapatan nila sa banyagang bansa. Ang taong 2012 ay taon ng Reel Time sa paghahanap ng mga bagong paksa at paraan ng pagkukwento para. Ito ang taong naghatid ang Reel Time ng mga orihinal at eksperimental na dokumentaryong layong dalhin ang paggawa at panonood ng dokumentaryo sa mas mataas na antas. Kabilang diyan ang Burdado, ang unang photo documentary sa telebisyon; ang Gusto kong Sumikat, ang unang mockumentary at ang Batang Birador, isang documentary-drama. Kasabay ng pagbalikwas sa nakasanayan at paghahatid ng mga natatanging dokumentaryo, ang 2012 ay taon din ng mga pagkilala at parangal para sa Reel Time. Tunay na marami tayong mga storyang nararapat at masarap balik-balikan. Kaya naman sa huling Linggo ng 2012, samahan niyo kaming sariwain ang mga kwentong nagpatawa’t nagpa-iyak, umantig at nagpakilig, mga kwentong tumatak at nagmulat sa atin. Sa isang natatanging episode, tuklasin kung paano nga ba nabuo ang mga storya at kilalanin ang mga tao sa likod ng bawat obra. Alamin ang mga kwento sa likod ng bawat kwento. Ito ang Reel Time Rewind: 2012 Year-end Special, huwag palagpasin ngayong December 30, 8:45 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.