Filtered By: Newstv
NewsTV

PHOTO ESSAY: Ang pakikipagtuos sa abuos


Titiisin mo ba ang sakit para sa kaunting salapi?

Para sa mga taga-Banna, Ilocos Norte, biyaya at sakit ang hatid ng abuos o hantik, isang uri ng malalaking langgam. Nagsisilbing pangkaraniwang pagkain para sa mga Ilokano at exotic food para sa ilan ang itlog ng abuos, kaya masugid na sinusuyod ng ilang residente ang mga ito upang maibenta.

Noong dumayo ang “Reel Time” sa Banna, Ilocos Norte, nakilala ng programa ang ilang mangunguha ng itlog ng abuos: Ang mag-amang sina Ruperto at Roderick, at and biyuda na si Lola Feliciana. Matiyagang sinuyusod nina Tatay Ruperto, Roderick at Lola Feliciana ang mga abuos para lang may makain. Ang hapding dala ng kagat ng abuos, kanilang tinitiis.

Kilalanin din sina Tatay Ruperto, Roderick, at Lola Feliciana sa ilang litratong kinunan ng programa matapos ang pagsubaybay sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay:



Taong 1991 noong magsimulang manguha ng itlog ng abuos si Tatay Ruperto. Sa kanyang mga magulang daw siya natuto kung paano suyurin ang mga itlog nito. Madalas na nakakagat siya ng abuos. “Mahirap manguha dahil masakit ang kagat nila,” kuwento niya.

Upang maiwasang makagat at bilang pagganti na rin, pinapatay na lamang ni Tatay Ruperto ang mga abuos na nalalaglag sa katawan niya. “Patayin mo na lang ‘yung abuos para mawala yung sakit. At saka, sa galit mo na rin iyon.”



Tuwing pagsapit ng tag-init, tinutulungan ng 12 taong gulang na si Roderick ang kanyang ama na manguha ng itlog ng abuos. P50 hanggang P300 ang kinikita ni Roderick mula rito. Nais niya sanang gamitin ang kinikitang pera para sa pagkain nilang pang-araw-araw at sa pambili ng gamot sa may sakit na ina.

“Hanggang pagtanda po. Hanggang makaya ko pang lumakad, kukuha po ako ng abuos,” sabi ni Roderick. “Para may pagkain at may bebenta po.”



Setyembre ng taong 2000 nang magpa-tubal litigation o magpatali si Nanay Leticia matapos ipanganak si Roderick. Dalawang buwan matapos ang operasyon, nagka-komplikasyon si Nanay Leticia na humantong sa pagkaparalisa ng kaliwang bahagi ng kanyang katawan.

Sumailalim na sa therapy si Nanay Leticia. Pinatingin na rin siya ni Tatay Ruperto sa albularyo ngunit walang nangyari. Hindi na rin makabili ng gamot ang pamilya para kay Nanay Leticia dahil sa kakulangan sa pera.



Nagtapos bilang Valedictorian ng kanilang elementarya si Roderick, subalit noong graduation niya, hindi nakadalo si Nanay Leticia sa graduation ng anak dahil sa kaniyang kondisyon.

Pangarap ni Roderick ang maging pulis at makapagtapos ng pag-aaral, pero dahil sa kakulangan sa pera, baka sa susunod na pasukan na lang daw siya papasok ng high school.

“Magtatrabaho na lang ako sa bukid at saka magkukuha ng abuos,” kuwento niya.



Mag-isang nabubuhay si Lola Feliciana sa bundok. Nabiyuda siya noong 40 taong gulang pa lamang siya. Hindi na rin niya nakikita ang mga anak dahil ayaw niyang maging pabigat sa mga ito.

Kahit mahina na ang kaniyang tuhod, patuloy pa rin sa pag-akyat sa bundok si Lola Feliciana upang manguha ng itlog ng abuos. Hindi raw siya natatakot kung may mangyari man sa kanya.

“Kapag namatay ka, wala na,” paniniwala niya. Ang tanging hiling niya na lang ngayon ang magkaroon ng kuryente sa bahay bago mamatay.

Kung nais maghatid ng tulong, maaring makipag-ugnayan kay Mr. Eleazar del Rosario, Executive Producer ng Abuos, sa kaniyang email: eldelrosario@gmail.com.

Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 8:45 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa sa Facebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay.


Bernice Sibucao, PF/CM/GMA News