PHOTO ESSAY: Silang Wala sa Mapa
Sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Sarangani naninirahan ang ilang katutubong B’laan. Malayo ang tirahan nila sa kapatagan. Ang mga daanan naman, matatarik kaya hindi nadaraanan ng mga sasakyan.
Halos sampung oras ang lalakbayin paakyat sa mga komunidad na hindi naaabot ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno – walang pagkain at malinis na tubig, walang palikuran at walang kuryente ang mga residente.
Sa pagbisita ng “Reel Time” sa tirahan ng mga B’laan sa Sitio K’lobak, Malapatan, Sarangani, sinundan ng programa ang misyon ni Dr. Roel Cagape, isang volunteer doctor na tinaguriang sugo nilang mga wala sa mapa.

Dalawampu’t limang taon nang volunteer doctor si Dr. Roel Cagape. Kada isang buwan, umaakyat siya sa mga bundok kasama ang kaniyang mga kapwa volunteer sa Hearts and Brains Volunteers (HABI Volunteers) upang magbigay ng libreng lunas sa mga katutubong B’laan.
Labing-walong ilog ang tinatawid ni Dr. Cagape at ng HABI Volunteers upang marating ang Sitio K’lobak. Mahigit anim na oras ang kanilang nilalakbay mapuntahan lang ang mga katutubong B’laan.
Walang malapit na pagamutan at walang kagamitan para sa serbisyo-medikal sa Sitio K’lobak. Upang maihatid ang mga may karamdaman sa ospital, ang mga HABI Volunteers at katutubo na mismo ang gumagawa ng paraan. Isang halimbawa ang pinagbungkos-bungkos na kawayan na pinatong sa kabayo ang ginamit nila bilang stretcher.
Ilang batang B’laan ang may sakit na kwashiorkor, o kakulangan ng protina sa katawan. Minsan, inaabot ng ilang buwan bago sila makakain ng karne. Tanging kamote o mais lang ang pantawid-gutom ng maraming pamilya sa kanila.
Kung nais maghatid ng tulong sa misyon ng HABI Volunteers, maaring makipag-ugnayan kay Dr. Roel Cagape sa 0947 590 0325. Maari rin siyang puntahan sa 047 NLSA, Lagao, General Santos City. Para rin sa mga gustong magbigay ng donasyon, iwan lamang ito sa Santo Domingo Church, Quezon City (c/o Fr. Joemar Sibug).
Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 8:45 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa sa Facebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay.