ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

PHOTO ESSAY: Kalusugan sa isla ng Jomalig


Matatagpuan ang isla ng Jomalig sa pinakadulong silangan ng lalawigan ng Quezon. Pinalilibutan ito ng Karagatang Pasipiko. Dahil sa layo ng isla, bihira lamang makatanggap ng serbisyo medikal ang mga residente ng Jomalig. Wala ring ospital sa isla; sa Camarines Sur pa matatagpuan ang pinakamalapit na pagamutan, na halos apat na oras ang layo sa Jomalig at mararating sakay ng bangka.

Sa ganitong klaseng sitwasyon, paano kaya nabubuhay ang mga residente ng Jomalig?


 

Sa pagbisita ng “Reel Time” sa isla, nakilala nila si Mely na noong araw na iyon ay kapapanganak lamang. May timbang na dalawang kilo ang sanggol ni Mely. Magaan ito kumpara sa 2.8 hanggang 3 kilo na karaniwang timbang ng isang malusog na bagong panganak na sanggol.



Ang Jomalig ang nangunguna sa listahan ng mga bayang may pinakamataas na malnutrition rate sa buong bansa. Ayon sa tala ng National Nutrition Council, tinatayang tatlo sa bawat 10 bata sa Jomalig ang malnourished.


Dalawang buwan na nang magsimulang lumaki ang hita ni Aldrin, 10 taong gulang. Unti-unti ring namayat ang bata, pero hindi nila malaman ang kanyang karamdaman dahil sa layo ng pagamutan.

Pangarap ni Aldrin ang makapagpagamot at gumaling upang makalakad at makasakay ng bike.

“Gusto kong magkaroon ng bike,” kuwento niya sa programa. “Naiinggit po ako sa mga may bike dahil masaya sila.”


 

Isang grupo ng mga travel blogger, ang Project Jomalig, ang nakapansin ng problema sa isla at ngayo’y nag-aabot ng tulong sa mga residente nito. Upang masolusyunan ang kawalan ng serbisyo medikal sa isla, bumibisita ang Project Jomalig at namimigay ng mga libreng gamot at pagkain sa mga malnourished na kabataan.

“Project Jomalig is just the start,” paliwanag ni James Betia, pinuno ng Project Jomalig. “As we individuals, we have limited money and time that’s why I always tell the participants na itong ginagawa natin ay mga seed lamang.” — Bernice Sibucao, CM/GMA News

Para sa mga nais tumulong sa adhikain ng Project Jomalig, maaring bisitahin ang website nila: journeyingjames.com

Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 9:00 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa saFacebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay.