'Reel Time' presents: Tuklaw
Reel Time
Tuklaw
Airing date: January 12, 2014
8:00 PM/GMA News TV-11
Kapit sa kamandag.
Ito raw ang tawag sa mga tulad ni “Glenn,” ang tinaguriang Cobra King ng Laguna.
Araw-araw, ginagalugad ni Glenn ang masusukal na gubat at mga bukirin para lang maghanap ng mga ligaw na ahas. Pero ang kanyang pangunahing pakay, ang makamandag na Philippine cobra!
Ayon sa batas, bawal ang panghuhuli at pagbebenta sa mga makamandag na ahas tulad ng cobra, pero sa tatlumpung taon niyang sugal sa trabahong ito, hindi lang daw buhay niya ang laging nakataya, kung hindi pati na rin ang karangalan ng kanyang pamilya. Sa trabahong ito kasi, malaki ang tsansang makulong siya dahil isang threatened species ang Philippine cobra.
Ngayon, tila napapagod na raw siyang makipagpatintero sa panganib. Malapit na nga ba ang katapusan ng makapigil-hiningang pakikipagsapalaran ni Cobra King?
May kinabukasan pa bang naghihintay para sa kanya at sa kanyang pamilya?
Alamin iyan ngayong Linggo, alas-8 ng gabi sa number one news channel—GMA News TV Channel 11.