Ang paghahanap ng nawalang hilig sa potograpiya
Bata pa lang si Jazel Villamarin, namulat na siya sa mundo ng potograpiya dahil sa kanyang amang si Carlito Villamarin. Dating photographer si Carlito, at dahil sa hilig sa pagkuha ng mga litrato, napag-aral niya ang kanyang sarili at naitaguyod ang kanyang pamilya.
Ngunit habang lumalaki si Jazel, napapansin niyang tila nawawala na ang hilig ng ama sa potograpiya – ang hilig na hindi lamang bumuhay sa kanya kundi nagpakilala rin sa kanya sa iba’t ibang uri ng sining.
Kaya naman sa hangaring muling ibalik ang pagkahumaling ng ama sa larangan ng potograpiya, dinala ni Jazel ang kanyang ama sa Paris, France. Sa Paris nag-aral at nagpakadalubhasa ng halos limang taon si Jazel bilang recipient ng prestihiyosong Cite Internationale Des Arts. Hangad sana niyang tulad niya, mapag-igting muli ng kanyang ama ang hilig sa potograpiya sa lugar ng mga dayuhan.
Sa kanilang misyon na maibalik ang nawala, nilibot nina Jazel at Carlito ang kabisera ng Pransiya. Marami tanawin dito ang puwedeng maging subjects sa potograpiya na maaaring pumukaw ng damdamin ng ama. “Na-inspire ako dahil sa dami ng lugar na photogenic. Parang gusto ko lang kuhanan ng kuhanan [ng picture],” ani CarlitoDito rin natupad ang pangarap ni Jazel simula pagkabata. “Pangarap ko lang noong bata ako ay makapagpa-picture kasama ang Eiffel Tower, ngayon kasama ko na si Papa at ang Eiffel Tower,” ani Jazel.

Nilibot rin ng mag-ama ang Amsterdam. Dito ay harapang nakita ni Carlito ang mga paintings nina Vincent Van Gogh at Rembrandt.
Dati rati, inaaral lang daw nina Carlito ang kanilang mga obra sa photography, pero dahil sa kanilang pagpunta sa France ay personal na niya itong nakita.
“Gusto ko ditong mamasyal palagi,” sabi ni Carlito sa anak na si Jazel.
Pagkatapos libutin ang Amsterdam, sa Prague, Czech Republic naman sunod na pumunta sina Jazel. Dito unang naranasan ni Carlito ang kanyang “first snow.”Para makuha ang litratong ito, ipinatong ni Carlito ang kanyang kamera sa isang basurahan at muntikan pang mahulog. Wala raw kasi silang dalang tripod.

Hindi lang ang interes sa potograpiya ang nakuha ni Carlito sa Paris, kundi maging mga bagong kaibigan. Nakilala niya rito ang mga Pranses na sina Claude at Aurelien na siyang nag-alaga kay Jazel noong siya ay tumira sa Paris para mag-aral.
“Ito ang first Christmas ni Papa sa ibang bansa. Ito rin actually ang first time niya na makapag-abroad,” ani Jazel. Sa paghanap nila ng nawalang pangarap ni Carlito, natupad naman ni Jazel ang isa sa mga matagal na niyang pinapangarap—ang madala sa ibang bansa ang kanyang ama.

Hindi rin pinalagpas ng mag-ama na pasukin ang tanyag na Louvre Museum. Dito nila nakita ang iba’t ibang sikat na obra tulad ng Mona Lisa.
Ang litratong ito ay kinuhanan ni Carlito mula sa loob ng museo. Makikita mula sa komposisyon at kalidad ng litrato na marahil nga ay naibalik na ang nawalang interes ni Carlito. “Ang Paris, malaki ang naitulong sa interes ko sa potograpiya,” ani Carlito. “Salamat sa anak ko sa tulong mo na mabuhay ang dugo ko dito.”
Sa pagpunta nina Jazel at Carlito sa France upang hanapin ang nawala, higit pa rito ang kanilang nakuha—mga kaibigan, karanasan, at mas malalim na relasyon ng isang mag-ama. Sabi nga ni Jazel, “kapag bumibiyahe ka, mas marami kang nadidiskubrang bago. At mas nakikilala mo ang sarili mo.”—Isabelle P. Laureta/CM, GMA News