ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Inihahandog ng 'Reel Time': 'Bonsai Hunter'


AIRING DATE: April 27, 2014
AIRING TIME: 8:00 PM


Sa karamihan, ‘maliit’ ang ibig sabihin ng bonsai.  Pero sa iba, ito na ang kanilang buhay. Tinaguriang mga puno sa paso, isang uri ng sining mula sa bansang Hapon ang bonsai.  Gumagamit ito ng mga pinaliit na puno na pinapatubo sa paso.  Sa loob ng matagal na panahon, minsan ay daang taon, hinuhubog ang mga maliliit na punong ito para maging kawangis ng mga malalaking puno sa kagubatan. 
 
Ang mga punong maliliit, taglay ang kakaibang rikit.  Pero bukod sa tagal at hirap nitong palakihin, mahirap din itong hanapin. Nagsisimula ang buong proseso sa hunting o pagkuha ng mga materyal na gagawing bonsai.  Ito ang trabaho ni Beder, isang bonsai hunter.
 
Inaakyat ni Beder ang mga kabundukan, sinusuong ang mga malalakas na alon ng karagatan at ginagalugad ang bawat sulok ng kagubatan, makita lamang ang mga pinakamagagandang uri ng materyal na gagawing bonsai.
 
Bukod sa pagha-hunting, kilala rin si Beder sa pagdidisenyo ng mga materyal na kanyang nakukuha para ganap na maging bonsai.  At dahil sa hirap at tagal nitong hanapin at buhayin, malaking halaga rin ang nakakabit sa bawat bonsai.
 
Kaya naman sa loob ng halos isang dekada, umabot na ng milyun milyong piso ang kinita ni Beder mula sa pagbo-bonsai.  Ito na ang nagpaangat sa kanyang buhay at bumuhay sa kanyang pamilya.
 
Ito rin ang dahilan kung bakit iniwan ni Eugene, isa ring bonsai hunter, ang kanyang trabaho sa Maynila.  Isang batang ama, umaasa si Eugene na sa pamamagitan ng pagbo-bonsai, mabibigyan niya ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
 
Pero hindi naglaon, umikot ang gulong ng buhay. Biglang humina ang kita mula sa bonsai.  Nawala ang mga order. Natigil ang buwan-buwang biyahe. Kaya naisanla niya ang mga naipundar at tuluyang nalubog sa malaking utang. Pero hanggang sa dulo, bonsai pa rin ang pag-asa ni Beder.  Kaya ngayong Linggo, muling bibiyahe ang bonsai hunter.
 
Humanda sa kakaibang paghahanap.  Samahan natin sina Beder at Eugene sa pagtawid sa karagatan at paggalugad sa kagubatan para hanapin ang mga bonsai ng kalikasan.  Inihahandog ng #ReelTime ang #BonsaiHunter sa #DiretsoAlasOtso ngayong Linggo ng gabi sa GMA News TV.
Tags: plug