'Nanum': Dalawang batang may congenital heart disease, naipagamot sa South Korea

Ayon sa datos ng Department of Health, 10 sa 1,000 batang ipinanganak mula 2001 hanggang sa kasalukuyan ang mayroong congenital heart disease o sakit sa puso. Sa bawat siyam na minuto, tinatayang may namamatay dahil dito.
Iba ang 6 na taong gulang na si Jhonny sa mga batang nakakalaro niya’t nakakasama sa paaralan. Maliit at payat ang pangangatawan para sa kanyang edad, madalas tuksuhin si Jhonny dahil sa taglay niyang karamdaman – bagay na labis na ipinag-aalala ng kanyang ina na si Nanay Eleonor.
“Kinausap ko na lang po ‘yung teacher niya na [sabihan ‘yung mga bata na] huwag nang tuksuhin si Jhonny,” kuwento ni Nanay Eleonor.
“Ayaw nga niyang ipahalata sa ‘kin [na tinutukso siya],” dagdag ni Nanay Eleonor. “Minsan diyan din sa labas, tinutukso siya. Uuwi siya rito, sasabihin niya, ‘Mama may sakit ako sa puso. Mamamatay na ba ako?’ Sabi ko, ‘Hindi, hindi ka mamatay. Gagaling ka pa niyan. Tutulungan tayo ng Panginoon.’”
Dahil sa kalagayan ng anak, alam ni Nanay Eleonor na kailangang agad maipagamot si Jhonny. “‘Yung nangitim siya dati, natakot ako,” aniya. “Kailangan agapan na kaagad [ang sakit niya] para hindi siya lumala. Kasi ‘pag lumala siya, hindi na siya makapag-aral. Sayang naman po.”
Tulad ni Jhonny, may congenital heart disease din ang 4 na taong gulang na si Princess. Maituturing na mas malala pa ang kondisyon ni Princess kumpara sa kondisyon ni Jhonny. Sa katunayan, halos magkulay-asul na ang mga labi at kuko ng bata at may mga pagkakataong bigla-bigla itong nahihirapang huminga.
Kapag inaatake ng ganitong kondisyon si Princess, halos hindi malaman ng kanyang nanay ang gagawin. “Nung nakaraan nga lang, sinumpong siya na para siyang naninigas tapos kinakagat niya ‘yung labi niya,” ani Nanay Tess. “Pinapaypayan lang namin siya, pinapahinganan. Sobrang natatakot po ako ‘pag gumaganon po siya.”
Ika-11 ng Mayo 2014 nang ipalabas sa programang “Reel Time” ng GMA News TV ang dokumentaryong “Nanum (Pagbabahagi),” kung saan ipinakita ang kalagayan nina Jhonny at Princess. Ipinakita sa dokumentaryo kung paano nagsusumikap sina Nanay Eleanor at Nanay Tess para subukang madugtungan ang mga buhay ng kanilang mga anak.
Parehong gipit ang pamilya ng dalawang bata, kaya naman malaking tulong ang proyektong “Nanum” ng ilang misyonaryong Koreano at ng Korea Tourism Organization (KTO). Dahil dito, nakabiyahe patungong Busan, South Korea ang mga bata kasama ang kanilang mga nanay upang sumailalim sa operasyon sa puso.
Related video: A journey to South Korea to save the lives of dying children
Nanum Project
“Pagbabahagi” ang ibig sabihin ng salitang “nanum” sa bansang Korea. Sa proyektong ito, nagsagawa ang KTO, kasama ang iba pang medical experts mula sa Korea, ng libreng medical mission sa ilang lugar sa bansa.
“This project is quite a unique project for Korea Tourism Organization. It’s not about the promotion of medical tourism - it’s based on humanity,” ani KTO director Sangyong Zhu. “There is no other purpose in doing this job. Actually we have been implementing this in many countries including Russia, Kazakhstan, Vietnam and others.”
Sa isang medical mission nga sa rito sa Pilipinas, nakilala nila ang mga batang sina Jhonny at Princess. “Many Korean doctors who joined this activity decided to invite [Jhonny and Princess] to their hospital and give them free surgery treatment,” dagdag ni Zhu. “Our goal is to make Princess and Jhonny healthy, recover perfectly and enjoy the rest of their lives.”
Bitbit lamang ang ilang mga gamit at lakas ng loob, kaagad nakalipad papuntang Busan, South Korea sina Jhonny at Princess, kasama ang kanilang mga ina.
Pagdating sa Inje University Haeundae Paik Hospital, agarang inasikaso ng mga doktor at nars doon ang dalawang bata. “Nagpapasalamat po kami sa kanila. Akala ko suplada sila, ‘yun pala hindi,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Nanay Tess. “Totoong tao sila tapos tinutulungan nila kami kahit hindi ko maintindihan ang mga salita nila.”
Samantala, naantala nang kaunti ang operasyon ni Princess dahil sa biglang pag-atake ng kanyang pneumonia. Bunsod nito, kinailangan siyang dalhin sa ICU upang agapan ang panghihina ng kanyang puso.
Habang nasa loob ng ICU si Princess, hindi napigilan ni Nanay Tess ang maluha. “Ayokong makita siyang ganun, nahihirapan. ‘Yun nga lang pong tinutusok siya ng mga nurse, kulang na lang ako na ang sumapol lahat e, ako na lang [kuhanan nila ng dugo, kasi wala na ngang dugo ‘yung anak ko],” aniya. “Ayokong makitang nasasaktan siya at nakikitang gan’un yung kalagayan niya, nanghihina yung loob ko.”
Habang pinalalakas ng mga doktor si Princess, itinakda na ang operasyon kay Jhonny matapos ang ilang araw na pananatili sa ospital. Hindi naitago ni Nanay Eleonor ang kanyang kaba habang dinadala ang anak sa operating room kasama ang mga doktor at nurse. “Kinakabahan po ako para sa anak ko...pero masaya pa rin naman po, na ooperahan na siya,” aniya.
Makalipas ang dalawang oras, natapos na ang operasyon kay Jhonny. Ayon sa mga doktor, matagumpay ang resulta ng operasyon at hindi na ulit magkakaroon ng problema sa puso ang anim na taong gulang na bata.
“Malaki ang pasalamat ko sa kanila,” lumuluhang sabi ni Nanay Eleonor. “Maraming salamat sa mga doktor na Korean dito na tumutulong sa anak ko, sa paggamot, sa lahat. Inasikaso nila kami, hindi nila pinabayaan...hindi nila pinabayaan ang anak ko.”
Matapos ang operasyon
Ilang araw matapos ang kanyang operasyon, masaya nang nakauwi sina Jhonny kasama ang kanyang Nanay Eleonor dito sa Pilipinas. Bitbit ang magandang balita, nakangiti nilang sinalubong ang kanilang pamilya.
Samantala, kinailangan pa ni Princess na magtagal sa ospital upang bumuti ang kanyang kalagayan bago operahan. Pero noong ika-14 ng Mayo, masayang ibinalita sa “Reel Time” na na-operahan na si Princess sa Yang-san Busan University Hospital at naging matagumpay rin ang operasyon. Kinailangan ding magpahinga muna ni Princess bago tuluyang makauwi sa bansa.
Narito ang ilang mga larawan nina Jhonny at Princess matapos ang kanilang operasyon:
Sina Jhonny at Nanay Eleonor kasama ang ilang staff ng Reel Time: Randy Mariñas (Videographer), Jericho Abalona (Director of Photography/Segment Producer) at Aileen Rae Perez (Executive Producer / Director/ Writer)


Bago umuwi sa Pilipinas, nagkaroon ng pagkakataoong mamasyal sa Busan, South Korea ang mag-inang Jhonny at Eleonor

Tumagal nang anim na oras ang operasyon sa puso ni Princess

Matapos ang ilang araw na pamamahinga sa Inje University Haeundae Paik Hospital, inilipat si Princess sa Yang-san Busan University Hospital upang doon operahan

Katulad ni Jhonny, nadugtungan din ang buhay ni Princess matapos ang operasyon niya sa puso

(Mula kanan) Sina "Nanum" Videographer Randy Mariñas, Executive Producer / Director / Writer Aileen Rae Perez at Director of Photography / Segment Producer Jericho Abalona sa Songjeong Harbor, Busan, South Korea
Ang kuwentong ito ng sakripisyo, pakikipagkapwa at pag-asa ay handog ng GMA News and Public Affairs, kaakibat ang Korea Tourism Organization, Inje University Haeundae Paik Hospital, Joseph Mission ABR Phil., Inc. at Asiana Airlines. — Donna Allanigue/CM, GMA News
Photo credits: Marites Cruz, Seon Jeong Kwon, Jean Conde and Reel Time staff
Narito ang ilan pang kuwento mula sa Reel Time:
PHOTO GALLERY: An escapade to scenic Busan, South Korea
Ang malaking oportunidad sa maliliit na bonsai
Cinematic aerials for ‘Reel Time’ docu made possible by Tempest Films