ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ang buhay ng mga batang boksingero, tampok sa 'Reel Time'


AIRING DATE: May 25, 2014
AIRING TIME: 8:00 p.m.

"Reel Time" presents "Suntok ng Pangarap"



Taun-taon ginaganap ang Palarong Pambansa kung saan tinitipon ang mga pinakamagagaling na estudyanteng atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa.  Mahigit 20 sports event ang kanilang pinaglalabanan, kabilang na rito ang boxing.
 
Ang boxing marahil ang isa sa pinakapaboritong sports ng mga Pilipino.  Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa Pambansang Kamao nating si Manny Pacquiao? Mula sa hirap, naging daan ang boxing para siya ay magtagumpay at umasenso. 
 
Kaya naman kahit delikado, may mga ilan na umaasa ring mabago ng boxing ang kanilang buhay.
 
Labing tatlong taon pa lamang si Mark Rea pero banat na ang kanyang katawan para sa suntukan.  Sa kanilang lugar sa Tayabas, Quezon, mayroong programa kung saan kapalit ng libreng pag-aaral sa high school, magsasanay at lalaban sa boxing. Ito ang nakitang paraan ng kanilang pamilya para matustusan ang kanyang pag-aaral.  Tricycle driver ang kanyang ama habang wala namang trabaho ang kanyang ina.  Pangarap ni Mark makapagtapos ng pag-aaral pero mukhang malabo raw ito dahil wala pa ni isa sa kanyang mga kuya ang nakatuntong ng kolehiyo.
 
Mahigit isandaang laban at apat na talo pa lamang sa boxing ang nararanasan ni Junrel Jimenez, 17 taong gulang at tubong Cebu.  Siyam na taon pa lamang siya nang magsimulang lumaban sa boxing. Ang boxing din ang sumagot ng kanyang pag-aaral mula elementarya hanggang high school. Pero ngayong siya ay magtatapos na, boxing din ang inaasahan niya para makatuntong ng kolehiyo.  Ito na ang huling taon niya sa Palarong Pambansa, huling pagkakataon niya na rin para mapansin ng mga unibersidad upang mabigyan ng scholarship sa kolehiyo.
 
Marahil, isang suntok sa buwan ang kanilang inaasam.  Pero naniniwala silang kamao ang daan sa kanilang mga pangarap.
 
Pinanday na sila ng mga suntok at naging buhay na nila ang makipagbakbakan.  Sa apat na sulok ng boxing ring ng palarong pambansa ngayon magtatagpo ang kanilang mga laban.
 
Ngayong Linggo, inihahandog ng Reel Time ang Suntok sa Buwan.  Sino ang maililigtas ng tunog ng bell? Kaninong kamay ang itataas ng referee sa huli? Sino ang mag-uuwi ng gintong medalya? Tunghayan ang mga maiinit na laban para sa pangarap ngayong Linggo, alas-otso ng gabi sa GMA News TV.  Handa ka na ba sa bakbakan?
 
Ang hindi manood, knockout.
Tags: plug