ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

'Espesyal,' tampok sa 'Reel Time' ngayong January 25




REELTIME presents ‘ESPESYAL’
January 25, 2015
Linggo, 8PM
GMA News TV


Sa Pilipinas, nakasaad sa batas ang pagkakaroon ng libreng edukasyon. Naniniwala tayo na ang edukasyon ay karapatan ng bawat isa anuman ang katayuan sa lipunan.

Pero si Simon, anim na taong gulang, hindi pa nakatutuntong sa isang paaralan.

Bukod sa kahirapan, hirap daw ipasok ng kanyang mga magulang si Simon dahil sa kalikutan at pananakit nito sa ibang mga bata. Hindi nakapagsasalita, madalas hindi rin daw maintindihan si Simon. Dahil sa kawalan ng eksperto sa kanilang lugar, hindi pa natitingnan ng doktor ang bata. Pero alam ng kanyang mga magulang, ‘espesyal’ si Simon.

Ang pagiging ‘espesyal’ ni Simon, para sa kanyang mga magulang, ang tuldok sa pangarap nilang makapag-aral pa ang bata.

Sa ilalim ng batas, nararapat si Simon na makatanggap ng special education o SPED upang matulungan siyang malinang ang kanyang mga kakayahan. Sa kasamaang palad, ang karanasan ni Simon ay pangkaraniwan. Sa tala ng Department of Education o DepEd, tinatayang 13% ng kabataan sa bansa ang nangangailangan ng SPED pero humigit kumulang 5% lamang ang nakatatanggap nito.

Taong 1997 nang ilabas DepEd Order No. 26 na nagtatakda sa mga school division na magkaroon ng kahit isang SPED Center sa kanilang mga lugar. Pero matapos ang halos dalawang dekada, may mga lugar pa ring nanatiling walang SPED Center. Kabilang na rito ang lugar nila Simon.

Umaabot sa mahigit Php 30,000.00 ang tuition fee sa mga pribadong SPED school. Kaya para sa mga tulad ni Mario, mabigat ito lalo’t ang tatlo niyang anak ay ‘espesyal’. May mental disability due to seizure ang tatlong anak ni Mario.

Ang tanging hangad ni Mario, ang mahusay na edukasyon para sa kanyang mga anak. Pero sa kawalan ng mga libreng serbisyo para sa mga tulad nila, maaaring umanong umabot ng isang milyong piso ang gastos kada taon sa bawat bata para sa mga therapy, professional fee, shadow teacher, at pag-aaral nila.

‘Espesyal’ kung sila ay ituring pero ang simpleng karapatan nilang makapag-aral, hirap matugunan.

Ngayong Linggo, espesyal ang mga kwentong inyong matutunghayan.

Sa pagdiriwang ng National Autism Consciousness Week, siyasatin ang sistema ng special education sa bansa at tunghayan ang kwento ng mga special children at ng kanilang mga pamilya. Inihahandog ng Reel Time ang ‘Espesyal’, ngayong Linggo, alas-otso ng gabi sa GMA News TV.
Tags: plug