ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

‘Reel Time’ presents ‘Broken Chords’


Airing date: July 12, 2015



Habambuhay nananalaytay ang awit sa dugo ng mga musikero. Hindi sila nagreretiro. Maliban na lang kung huminto na ang musika sa kanilang buhay.

Mabilis ang tempo ng buhay noon ni Maestro Joel Galang. Siya ang nagsilbing musical director at arranger ng ilang sikat na mang-aawit sa ngayon katulad ng bossa nova singer na si Sitti at vocalist na si Myra David-Ruero o mas kilala sa bansag na Skarlet ng bandang Put3ska at Brownbeat All Stars.

Pero mistulang napatid ang mga kuwerdas na nagdurugtong kay Joel at sa kaniyang hilig sa paglikha ng musika. Nabitag siya ng karamdaman at na-stroke ilang taon na ang nakararaan. Tila inabandona na rin siya ng kaniyang sariling pamilya, kaya’t nakita na lamang siyang pagala-gala sa isang barangay hall sa Lungsod Quezon. Bahagya na lang niyang naigagalaw ang mga daliring minsang naging instrumento sa paggawa niya ng mga obra. Sa kabila nito, nais pa rin daw subukan ni Maestro Joel na makapa ang mga tiklado ng piano.

Matagal naging tahanan ni Jyel Tagbo ang entablado. Masigla ang mga tono ng kaniyang mga musika. Pero ginupo siya ng isang malubhang karamdaman, kaya’t sa nakalipas na panahon animo’y ospital na ang kaniyang naging bahay. Pinalamlam ng testicular cancer ang kaniyang karera. Pero hindi raw ito magiging dahilan, para magpahayag siya ng damdamin sa pamamagitan ng kaniyang musika.

Tatlong beses sa isang linggo kung mag-dialysis ang gitarista ng banda na si Marcelo Baron. Pero halos gabi-gabi, hindi siya tumitigil sa pagtatanghal sa harap ng maraming tao. Musika rin kasi ang tanging sinulid na nagdurugtong sa kaniyang buhay at karamdaman. Kapag napatid pa ito aniya, paano na?

Ngayong Linggo ng gabi, sundan ang pelikula ng totoong buhay ng mga Filipinong musikero, sa dokumentaryo ng Reel Time na pinamagatang “Broken Chords,” Linggo ng gabi, 8 PM pagkatapos ng Idol sa Kusina sa GMA News TV!

Tags: prstory