ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga nanganganib na bakoko, kikilalanin sa 'Reel Time'


Airing date: July 26, 2015 (Sunday), 9 PM, GMA News TV



Kung gaano sila kabagal kumilos, ganoon naman sila kabilis maubos.

Sa malaking bahagi ng ikadalawampung siglo, pinaniwalaang extinct o ubos na ang lahi ng mga Palawan Forest Turtles, isang uri ng bakoko na tanging sa hilagang bahagi ng isla ng Palawan lang matatagpuan. Bakoko ay salitang Cuyunon para sa pagong.

Pero taong 2004, nang muling matuklasan na may mga buhay pang Palawan Forest Turtle. Tinatayang may humigit kumulang 5,000 pa sa kanila ang nanirahan sa mga sapa ng Hilagang Palawan.

Kaya naman ginimbal ang buong mundo ng insidente noong ika-17 ng Hunyo. Humigit kumulang 4,000 Palawan Forest Turtle ang natagpuan sa isang warehouse sa Palawan – na katumbas ng halos 80% ng lahi nila.  Iniipon diumano sila para ibenta sa ibang bansa tulad ng China.

Patung-patong at siksikan sa maduming kulungan ang mga nakumpiskang bakoko. Dahil sa kanilang kalagayan, mahigit 400 sa kanila ang namatay.

Sa kasalukuyan, mahigit 3,000 na sa kanila ang muling naibalik sa kagubatan, sa kanilang tahanan. Pero may mga nananatili pa rin sa pangangalaga ng Katala Foundation, kabilang sina Turtle No. 12 at No. 236.

Tatlong taong gulang lamang si Turtle No. 12 at itinuturing na pinakabata sa mga nakumpiskang bakoko. Sa kanyang murang edad, napagkaitan agad siya na malayang manirahan sa kanilang tahanan sa kagubatan.  Dahil sa mahigit anim na buwan siyang nanatili sa kulungan kung saan sila’y patung-patong, nagkaroon ng mga butas ang kanyang shell o bahay.  Usad pagong ang pagbuti ng kanyang kalagayan.

Nasa kritikal ding kondisyon si Turtle No. 236. Labis na panghihina at impeksyon sa mata naman ang idinulot sa kaniya ng insidente. Kung hindi maaagapan, maaaring matulad ang kanilang kahihinatnan sa naunang 400 na bakokong pumanaw.

Muli pa kaya nilang masisilayan ang kanilang tahanan?

Ngayong 9 PM ng Linggo sa Reel Time, sundan natin ang istorya ng mga bakokong muntik nang mabura sa mundo. Tunghayan ang kwento ng kanilang paglaban para muling makabalik sa sinilangan nilang kagubatan.  Abangan iyan sa Linggo, alas-nuwebe ng gabi pagkatapos ng Kings of Restoration sa GMA News TV Channel 11.

Tags: prstory