ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Brutal na pagpatay sa mga Manobo, sisiyasatin sa 'Reel Time'




Setyembre 1, 2015 --- isang madugo at malungkot na araw para sa mga Manobo ng Diatogon, Lianga, Surigao del Sur. Tatlong lumad ang brutal na pinatay sa kanilang harapan.

Saksi si Sheina, 15 taong gulang, sa pagpatay sa kaniyang amang si Dionel Campos. Si Dionel ang chairman ng Malahutayong Pakigbisog Alang Sa Sumusunod o MAPASU, isang organisasyon na ipinaglalaban ang kanilang lupang ninuno at nangangampanya laban sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga lumad.

Ayon kay Sheina, kitang-kita niya kung paanong ibinukod ng mga paramilitar ang kaniyang ama mula sa grupo ng mga lumad na kanilang tinipon sa plasa. Nang matapos ang mga putok, nakita na lang ni Sheina na nakabulagta na ang kaniyang ama --- duguan at wala nang buhay.

Isa lang si Sheina sa mahigit tatlong libong mga refugee ngayon sa Davao City at Tandag City sa Surigao del Sur dahil sa tumitinding militarisasyon sa kanilang mga sitio.

Ngunit itinatanggi ng mga militar ang kanilang pagkakasangkot sa kaguluhang ito. Nasa bundok umano sila upang maghanap ng mga rebelde at hindi upang guluhin ang mga lumad. Pero ayon sa mga lumad, military ang nasa likod ng mga paramilitar na nanggugulo sa kanilang mga komunidad.

Ayon sa Rural Missionaries of the Philippines, 23 pinuno na ng mga lumad ang pinatay mula Oktubre 2014 hanggang June 2015 sa Northern Mindanao.

Dumagdag na nga sa bilang na ito sina Emerito Samarca, Executive Director ngAlternative Learning Center for Agriculture and Livelihood (ALCADEV), isang NGO na nagbibigay ng secondary education sa mga indigenous youth; si Bello Sinzo, isang datu; at si Campos.

Halos isang buwan makaraan ang kanilang pagkamatay, nasa evacuation center pa rin ang kanilang mga kaanak at iba pang katribo at wala pa ring napaparusahang kriminal.

Iba’t ibang haka-haka at teorya na ang lumalabas kaugnay ng krimen. Pero iisa lang ang malinaw, may mga inosenteng nadadamay, may mga batang nawalan ng payapang palaruan, may mga tahanang nawalan ng ama, at may mga buhay na sumisigaw ng hustisya.

Panoorin ang kuwento ng ating mga kapatid na Manobo itong Linggo, ika-20 ng Setyembre, alas-9 ng gabi sa sa Reel Time presents "Lumad" sa GMA News TV.
 
Tags: prstory