Limang magkakapatid na may sakit sa pag-iisip, kikilalanin sa 'ReelTime'

Isang tahanan, limang magkakapatid, isang karamdaman.
Sa isang malayong baranggay sa Puerto Princesa, Palawan, isang pamilya ang tila bilanggo ng isang sakit na kinatatakutan ng lahat --- ang sakit sa pag-iisip. Labing-apat na magkakapatid sina Evelyn at siyam sa kanila ang nawala raw sa katinuan.
Dalawa sa mga nagkasakit sa pag-iisip ang pumanaw na habang gumaling naman ang isa. Si Evelyn at ang apat pa niyang may sakit ding mga kapatid, kasama ang kanilang bulag nang ina at tatlong pamangkin, naninirahan nang sama-sama at pilit na binubuhay ang kanilang mga sarili nang walang tulong ng iba. Schizoprenia ang sinasabing maaaring sakit ng magkakapatid. Ang taong may ganitong sakit ay maaaring nakaririnig umano ng mga boses na hindi naman naririnig ng iba, may paranoia, at minsan ay tulala habang minsan ay masyado namang balisa. Sa unang tingin, maaring mukha silang normal hanggang makausap na sila at magsalita ng mga bagay na walang maayos na kahulugan.
Sa kasalukuyan ay hindi sinusumpong si Evelyn kaya naman nakapaghahanapbuhay siya bilang street sweeper sa kanilang baranggay. Sumasahod siya ng P1,500 kada buwan na siya niyang ipinambibili ng kanilang makakain sa araw-araw. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Avelina, nagtatrabaho naman sa koprahan at kumikita ng P150 kada isang araw. Ang mga kinikita nilang ito ang pinagkakasya nila upang buhayin ang anim na matanda at pag-aralin ang tatlong bata.
Noong nakaraang Disyembre huling inatake nang malala si Evelyn. Nagwawala umano siya at nagtatakbong nakahubad sa kalsada. Kaya naman ikinadena siya ng kaniyang mga kapatid. Ilang buwan din siyang nakagapos bago tuluyang kumalma.
Isa lamang sina Evelyn sa tinatayang mahigit isandaang mental heath patients sa Puerto Princesa City sa Palawan. Ang bilang na ito ay base lamang sa tala ng City Health Office at hindi pa kasama rito ang ilang pasyenteng hindi kailanman nagpatingin sa ospital. Walang sariling mental health facility ang buong probinsiya ng Palawan maliban lang sa isang halfway house o drop in center sa Puerto Princesa. Ang drop in center ay isang lugar kung saan pansamantalang inilalagak ang mga mental health patient na high risk sa kanilang komunidad. Wala itong kakayahang gumamot o mag-rehabilitate ng mga maysakit. Tuwing ikalawang buwan lang din may psychiatrist dito na nanggagaling pa sa Maynila.
Sa buong Pilipinas, dalawa lang ang pampublikong mental health hospital --- ang National Center for Mental Health (NCMH) na nasa Mandaluyong City at ang Davao Mental Hospital sa Davao del Sur. Sa kabuuang bilang na 5,465 bed capacity ng Department of Health para sa mga may mental disorder, 4,200 o 77% rito ang nasa NCMH samantalang ang natitirang 1,265 o 23% ay nakakalat na sa buong bansa.
Ang badyet ng gobyerno para sa isang in-patient ay P150 kada araw, kung saan ang P60 rito ay para sa pagkain, P12 ang para sa gamot at ang P78 ay para sa utilities tulad ng tubig at kuryente. Limang porsiyento lang kasi ng kabuuang badyet ng DOH ang nakalaan para sa mental health at kadalasan, napupunta ito sa maintenance ng facilities ng ahensiya.
Bukod sa aspetong pinansiyal, wala ring kumprehensibong batas na nakatuon sa mental health sa bansa. Sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas lang ang walang Mental Health Act. Ito ay sa kabila ng pagiging ikatlo ng mental disability sa mga pangunahing disability sa Pilipinas.
Sa ganitong sitwasyon, may pag-asa pa kaya ang mga katulad nina Evelyn na tuluyang gumaling? Alamin ang kanilang kuwento sa Reel Time Presents “Asarig”, ngayong Linggo, Nobyembre 22, sa ganap na ika-9 ng gabi sa GMA News TV.
*Ang “asarig” ay ang salitang Cuyunon para sa “pag-asa”. Ang Cuyunon ang isa sa mga lengguwahe sa probinsiya ng Palawan.