ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Iba't ibang biyayang dulot ng kabute, alamin sa 'Reel Time'


 


REEL TIME presents
KABUTE
May 28, 2016
SABADO 9:15PM
GMA News TV 11


Ngayong Sabado, mapapatalon ka tulad ni Super Mario. Ang kabute kasing kung saan-saan lang sumusulpot, pera pala ang dala.

Ang tindera ng gulay noon na si Myrna, isa na ngayong milyonarya. Nalaman niya raw ang yamang hatid ng kabute nang may mag-alok sa kanyang isama ang kabute sa mga panindang gulay niya noon.  Ang 3,000 mushroom fruiting bags niya noon, nasa humigit kumulang 150,000 na ngayon.

Si Ruby naman ay nagsimulang magtanim ng kabute noon dahil nangangambang hindi pumasa sa bar exams. Kung sakali man daw kasing hindi siya maging abugado, mga kabute ang maghahatid sa kanya ng kita. Napalawak ito ni Ruby na naging kabuhayan ng kanyang mga kabarangay. Ang dalawang mushroom grow houses niya noon, nasa isang dosena na ngayon. Kahit isa nang hukom, proud mushroom grower pa rin siya ngayon.

Kaya naman si Mardom, 26 na taong gulang, naniniwalang kabute ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Isa siya sa mga batang mushroom technician sa isang maliit na mushroom farm. Pinag-iipunan niya ngayon ang kapital para makapagpatayo ng sarili niyang mushroom farm.

Ang noong hindi pinapansin, ngayon ay kabuhayan ang hatid. Bukod sa kita, may kabutehang hatid din ito sa ating kalusugan. Taliwas sa pag-aakalang nakalalason ang mga kabute, marami sa mga uri nito ang maaaring makain.

Ang kadalasang pinagkakamalang gulay ay isang masustansyang fungi! Maganda itong gawing alternatibo sa karne. Wala itong cholesterol at fats, mababa sa calories, mainam pagkunan ng protina at iba pang sustansya. Ika nga ni Super Mario, ang pagkain ng kabute ay 1UP!

Kung mas maraming kakain, mas maraming magtatanim. Tinatayang 90% ng mga kabuteng nasa merkado sa Pilipinas ay imported o galing sa ibang bansa. Maraming gustong kumain, wala naman halos nagtatanim ng kabute. Sa hatid nitong sustansya at kita, magpapatumpik tumpik ka pa ba?

Para matikman ang linamnam at tagumpay na hatid nito, huwag magpaka kabuteng biglang mawawala ngayong Sabado! Abangan at tutukan ang KABUTE sa Reel Time, Sabado 9:15pm sa GMA News TV Channel 11!