Urban farming sa Pilipinas, tatalakayin sa 'Reel Time'

Kapag may itinanim, may makakain.
Ayon sa Save The Children, 4 sa bawat 10 bahay sa Pilipinas ang hindi nakakakain ng masusustansyang pagkain dahil sa kakulangan sa perang pambili.
Kaya naman kahit maliit at masikip ang kanilang barung-barong sa Quezon City, nagtatanim si Flor, isang street sweeper. Sa makipot na iskinita sa kanilang bahay matatagpuan ang mga paso at niresiklong container na may mga tanim na talong, pechay, sili, okra, at iba pang mga gulay.
Malaking tulong na raw ito sa pagkain nila araw-araw lalo't hindi sapat ang kinikita nilang mag-asawa. Nakatipid na, masustansya at walang halong pestisidyo ang gulay na kinakain nila. Ang mga pananim kasi ni Flor, organic o natural na pataba ang ginagamit.
Organiko din ang mga gulay na inaani ni Gemma sa kanyang urban farm. Pero hindi lang sustansiya kundi pera ang hatid sa kanya ng mga tanim niya. Sa dami na kasi ng naaani, naibebenta na niya ang mga sobra.
Ang urban gardening, urban farming o urban agriculture ay ang proseso ng pagtatanim at pagpapalaki ng anumang uri ng halaman, prutas o gulay sa loob ng isang lungsod.
Ayon Social Weather Stations, nasa 25.8% ang nakararanas ng gutom sa bansa. At tinatayang kalahati ng mga mahihirap sa bansa ay nasa kalunsuran.
Pagsapit ng taong 2030, inaasahan na 70% sa mga lupain ng Pilipinas ang magiging urbanisado.
Sa taong din ito inaasahang papalo sa 140 milyon ang populasyon ng mga Pilipino. Sa pag-unting mga lupang tatamnan at paglobo ng populasyon, gutom ang aasahan.
Sa urban farming, may lupa man o wala, maaaring makapagtanim. At kung bawat bakanteng lote, rooftop, mga lumang drum at balde, ay tatamnan ng mga gulay, may lupa man o wala, maaari raw maiwasan ang malawakang gutom. Alam niyo bang ang isang kilometro kwadradong lupa ay maaaring makapagprodyus ng 20 kilo ng pagkain sa isang taon?
Urban farming na nga ba ang kasagutan sa seguridad sa pagkain, mainam na kalusugan, at pag-ahon sa kahirapan sa mga nasa siyudad sa bansa?
Magtanim ay tunay na ang magtanim'y di biro pero ngayong Sabado, alamin kung paano maging magsasaka sa gitna ng siyudad. May puwang nga ba ang makapagtanim sa gitna ng mga nagtataasang gusali at masisikip na tirahan?
Inihahandog ng Reel Time ang Gulay In The City, Sabado 9:15pm sa GMA News TV Channel 11.