ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga naglalahong tradisyon ng Pampanga tuwing Pasko, tampok sa 'Reel Time'


Reel Time presents 'Naglalahong Pamana'

Tila nasa tuktok nga raw ng Christmas tree ang ating bansa dahil tinitingala raw ang Pilipinas bilang may pinakamahaba at pinakamagarbong pagdiriwang ng kapaskuhan. Pero kasabay ng pagbabago ng panahon, nawawalan naman daw ng kinang ang ilang nakagawiang tradisyon sa bayan ni Juan na may kinalaman sa Pasko.

“Guardian of the Kapampangan Cuisine” --- ito ang bansag sa kilalang reyna ng kusina sa Mexico, Pampanga na si Atching Lillian Borromeo. Sa kanyang kusina, makikita ang iba’t ibang gamit na minana pa raw niya sa kanyang mga ninuno pero hindi lang daw ito ang yaman ng kanyang pamilya. Ang tunay na pamana raw ni Atching Lillian, matitikman pa mismo! Bago pa man daw mabusog ng bibingka at puto bumbong ang ilang Kapampangan na nagsisimbang bengi o simbang-gabi, una na raw bumida sa labas ng simbahan ang kakanin na kung tawagi’y pituklip. Pero sa kasalukuyan, iilan na lang daw ang may alam nito. May sariling bersyon din ng empanada ang pamilya ni Atching na mas kilala sa tawag na panara at sa tuwing sasapit naman ang Noche Buena, hindi raw hamon ang star ng kanilang hapag kundi pastel de lengua! Ano nga kaya ang linamnam na hatid ng mga naglalahong pagkain ng mga Kapampangan?

Sa bayan naman ng Sta. Ana sa Pampanga, hindi raw pahuhuli ang ilang Kapampangan pagdating sa pagsalubong sa Pasko. Maliit man daw kasi ang kanilang bayan, ga-higante naman daw ang kanilang selebrasyon! Kung may Higantes ang mga taga-Angono, Rizal, ang kanila namang pambato --- ang mga giant puppet na binihisan ng mga makukulay na tela na kung tawagin nila ay majigangga! Pero mistulang lumiliit na raw ang mundo ng mga higanteng puppet dahil iilan na lang daw sa kanilang bayan ang may alam sa paggawa nito.

Pagpatak naman ng ber months, mga awiting Pamasko naman ang bumabalot sa isang museo sa bayan ng Angeles. Ang mga kabataan kasi dito, tinuturuang gumamit ng mga katutubong instrumento. Bukod dito, pinapanatili nilang buhay ang ilang Pamaskong tradisyon gaya ng Panunuluyan at ang parada ng mga naglalakahing parol na hugis-bituin o Lubenas para sa mga Kapampangan.

Maagang pamasko ang hatid namin kasabay nang pagtuklas sa mga kayamanang pinaka-iingatan ng mga Kapampangan sa Reel Time presents Naglalahong Pamana, Sabado, 9:15pm sa GMA News TV 11