Mga taong nasa likod ng feeding programs, kilalanin sa 'Reel Time'

REEL TIME PRESENTS SALU-SALO
Salu-salo (pangngalan) --- Handaan. Piging. Pagsasama-sama ng mahigit sa dalawang tao sa isang handaan. Karaniwang ginagamit para tukuyin ang sama-samang pagkain kapag may espesyal na okasyon.
Pero may ilang salu-salong ginagawa, hindi para sa isang selebrasyon, kundi upang labanan ang gutom at malnutrisyon sa bansa --- ang mga feeding program.
Sa isang pag-aaral, ang Pilipinas ay ika-9 sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng mga batang ‘stunted’ o kulang sa taas. Ito ay bunga ng kakulangan ng nutrisyon sa katawan mula pa noong sila ay nasa sinapupunan ng kanilang mga ina. Mayroong 3.1 milyong pamilyang Pilipino o tinatayang 15 milyong indibiduwal ang nagugutom. Isa na rito ang pamilya ni Nanay Leonor. Pangangalakal lang ng basura ang kanilang hanapbuhay. At dahil hindi sapat ang kinikita mula rito upang tustusan ang sampung tao, madalas na pagpag o manok na galing sa basura ng mga fastfood restaurant ang kinakain ng pamilya niya.
Pero salamat sa feeding program ng isang non-government organization, tatlo sa mga anak niya ang nabibigyan ng libreng agahan araw-araw. Si Angelo, madalas lumiban sa klase dahil wala silang pagkain at puyat mula sa pangangalakal. Pero mula nang makasali si Angelo sa feeding program, mas dumalas na ang pagpasok niya. Ayon din sa guro niya, noong una ay nasa ‘severely wasted’ ang kondisyon ni Angelo ngunit ngayon ay ‘wasted’ na lang, makaraan lang ang ilang buwang pagsali rin sa feeding program sa kanilang paaralan.
Karaniwan ang mga feeding program sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Malaki sana ang ambag ng mga ito sa paglaban sa gutom sa bansa ngunit ang ilang school-based feeding program ay nagtatagal lang ng ilang buwan dahil sa kakulangan ng pondo. Mabuti na lamang din at may ilang pribadong mamamayan ang mulat sa kahalagahan ng busog na sikmura. Tulad ni Melissa Villa ng Project Pearls at ni Benjie Abad ng Kusina ni Mang Urot. Puhunan lang ang malasakit sa kapuwa, nagsagawa sila ng sari-sariling proyekto upang matulungan ang mga kababayan nating nagugutom. Sa ngayon, araw-araw ay halos 300 bata ang pinapakain ng Project Pearls at nasa 80-100 tao naman ang binubusog ng Karinderya ni Mang Urot tuwing Biyernes hanggang Linggo. Salamat sa mga feeding program na ito at hindi lang tuwing may espesyal na okasyon nakatitikim ng masasarap at masusustansiyang pagkain ang ilan sa mga kababayan natin.
Ngayong Sabado, Disyembre 23, isang araw bago ang Noche Buena, makisalo sa ating mga kababayang hindi lamang salat sa pagkain kundi salat din sa pagkalinga ng kanilang kapuwa. Pagsaluhan natin ang mga pagkaing inihanda nang may puso sa Reel Time Presents Salu-salo, 9:15 ng gabi sa GMA News TV.