ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga batang magsasaka, kilalanin sa 'Reel Time'


REEL TIME PRESENTS 'BAGONG BINHI'

Tumatanda na ang populasyon mga magsasakang Pilpino. Nasa 57 anyos ang average na edad ng mga magsasaka sa bansa. At kakaunti na raw ang bilang ng mga kabataang sumusunod sa kanilang yapak. Ang bagong henerasyon ng mga Pilipino ay naghahanap na ng ‘mas madali at mas mabilis’ na paraan upang kumita ng pera. Darating nga ba ang panahong wala nang matitirang magsasaka sa Pilipinas?

Ayon sa Philippine Statistics Authority bumaba mula 31 milyon noong 2013 sa 29.1 milyon noong 2015 ang mga Pilipinong nasa agrikultura. At isa raw sa dahilan ang kawalan ng interes ng mga kabataan. Ayon sa Commission on Higher Education (CHEd), mula noong 2001-2012, bumaba ng mahigit 45% ang enrollees sa mga kursong agriculture, forestry, at fisheries sa buong bansa.

Araw-araw, iba’t ibang pagsubok ang kinakaharap ng mga magsasakang Pilipino --- mahal na mga kagamitan sa pagsasaka, mga bagong uri ng peste, maliit o halos kawalan ng kita, mahinang suporta ng gobyerno at ibang sektor, at climate change. Isa rin ang mga magsasakang Pilipino sa pinakamahirap na sektor sa bansa kaya naman hindi kataka-takang kakaunti ang mga kabataang nagpapakita pa ng interes sa pagsasaka.

Sa ngayon, kung 57 anyos ang average na edad ng mga magsasaka at 70 anyos naman ang average life span ng isang Pilipino, maaari raw na magkaroon ng ‘critical’ shortage ng mga magsasaka sa Pilipinas makaraan ang 15 taon. Kasabay naman nito ang paglobo ng populasyon sa bansa. Ang hamon: paano mapapakain ang mas dumaraming bilang ng mga nagugutom kung mas kumonti naman ang gumagawa ng pagkain?

Pero hindi pa naman daw huli ang lahat. Mayroon pa ring mga katulad nina Andrew Von (16 anyos) at Kenjo (24 anyos) --- mga kabataang buong pusong niyayakap ang pagsasaka sa kabila ng paglaganap ng industriyalisasyon at teknolohiya. Sa kanilang edad, batid nila ang pangangailangang ito ng Pilipinas kaya naman ito raw ang kanilang paraan upang tumulong sa bayan, ang pagyamanin ang ating sariling lupa.

Kilalanin natin ang mga bagong henerasyon ng magsasakang Pilipino, ang mga pag-asa ng ating lupang tinubuan sa Reel Time Presents Bagong Binhi, Sabado, 9:15 ng gabi sa GMA News TV.