ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Misteryo at kababalaghan sa La Union, tampok sa 'Reel Time'


REEL TIME: MISTERYO SA ELYU

Pagdating sa mga summer destination, hindi na nga raw mawawala sa listahan ng mga bakasyunista ang probinsya ng La Union. Binansagang “Surfing Capital of the North” kaya naman ang mga turista, tila ba hinihila ng mga naglalakihang mga alon! Ang mga social media page ng mga millennial, binabaha ng hashtag Elyu at hashtag surfing! Pero kung kakaibang trip ang hanap niyo, bakit hindi raw subukan ang horror tour sa Elyu?

Undas noong 2016 nang gumawa ng ingay ang “Kararua” tour. Ang salitang ito, nangangahulugang kaluluwa sa mga Ilokano. Sa halip kasi na mga magagandang tanawin ang papasyalan ng mga turista, ang kasama sa kanilang intinerary --- mga historical site sa bayan ng San Fernando, La Union. Goodbye surfing at hello ghost hunting nga raw ang offer ng travel tour na ito. Pero bukod sa kuwentong kababalaghan, may pabaon din naman daw itong kaalaman sa kasaysayan!

At dahil open for all season na ang horror tour sa Elyu, kumasa sa aming hamon ang Kapuso teen star na si Ashley Ortega. Tubong La Union si Ashley pero first time niyang bumisita sa ilang makasaysayang lugar sa kanyang probinsya. Kasama ang dalawang psychic, lilibutin nila ang isa sa pinakamatandang eskwelahan sa La Union, ang South Central School. At sa kanilang pag-iikot, isang kakaibang yabag ang kanilang narinig! Saan kaya nanggaling ang misteryosong tunog?

Papasukin din nila Ashley ang isang Japanese tunnel sa tapat ng kapitolyo ng San Fernando. Ang paniniwala ng mga taga-rito, pinamumugaran daw ito ng mga ligaw na kaluluwa ng mga sundalong Hapon at mga guerillang Pinoy! Pero bukod dito, mayroon din daw white lady malapit sa tunnel na nagpapakita sa sinumang magawi dito. At sa aming sariling paranormal investigation, may mga nasagap kaming boses ng di-umano’y white lady! Sino nga kaya ang misteryosong boses na ito? Totoo nga kayang multo ito ng babaeng pinatay malapit sa kapitolyo?

Humanda nang mangilabot at matakot habang sabay-sabay nating tuklasin ang mga kuwento sa likod ng misteryo! Huwag palagpasin ang Reel Time presents Misteryo sa Elyu ngayong April 7, Sabado, 9:15pm sa GMA News TV 11!