Epekto ng mataas na inflation rate, sisiyasatin sa 'Reel Time'

Ang mga mahihirap, lalo pang naghihirap.
Ito umano ang kalagayan ng mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Umabot na sa 6.7% ang inflation rate ng bansa nitong Setyembre. Ito ang pinakamataas sa nagdaang siyam na taon. Ito na rin ang ika-siyam sa magkakasunod na buwanang inflation rate increase, na nagsimula noong Enero.
At sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga mahihirap na Pilipino ang pinakaapektado. Ayon sa IBON Foundation, mas malaking bahagi ng gastusin ng mga mahihirap na pamilya ang napupunta sa pagkain, kumpara sa mga pamilyang may malaking kita. Sa pinakahuling datos ng 2015 Family Income and Expenditures Survey, 59.7% ng gastusin ng mga nasa bottom 30% income group ay sa pagkain napupunta. Kung magpapatuloy pa ang pagmamahal ng presyo ng pagkain, mas maraming pamilya umano ang magugutom. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangang kumita ng hindi bababa sa P9,064 kada buwan.
Si Lola Lina Beo, kumikita lang ng 5,900 piso sa isang buwan mula sa pagiging street sweeper. Upang mapagkasya ang kita para sa sarili at sa limang apong inaalagaan niya, madalas ay sardinas at noodles lang umano ang ulam nila. Hindi rin niya makumpleto ang gamit sa eskuwela ng mga bata. Nakulong ang mga magulang ng apat na apo ni Lola Lina noong Oktubre dahil sa Oplan Tokhang. Ang isa pa niyang apo, ulila naman sa ama. Sa edad na 75 anyos at kawalan ng edukasyon, tanging paglilinis ng kalsada na lang ang trabahong kayang pasukan ni Lola Lina.
Pero kahit ang minimum wage earners na Pinoy, kinakapos na rin ngayon. Ang P512 na daily minimum wage sa Metro Manila, nasa P357.39 na lang umano ang totoong halaga o purchasing power.
Si Maximo Formanes, Jr., isang Yolanda survivor. Dating may negosyo sa Tacloban pero nawala lahat ng kabuhayan dahil sa bagyo. Sa ngayon ay nagtatrabaho siya bilang construction worker upang muling makabangon. Ang kitang 512 piso sa isang araw o hindi bababa sa dose mil sa isang buwan, hindi pa rin umano sapat upang buhayin ang kaniyang pamilya. Nagtatrabaho na ang kaniyang panganay pero sa kabila nito, kailangan pa rin ng dagdag na pagkakakitaan upang pag-aralin ang kaniyang dalawa pang anak na nasa kolehiyo at elementarya. Kaya naman ang misis ni Maximo, nagtayo ng karinderya. Bagama’t nagpapakain sila sa karinderya ng kaniyang misis, tinitipid pa rin ni Maximo ang sariling pagkain na halagang isang daan lang kada araw para umano maipadala ang mas malaking bahagi ng kita niya sa pamilya.
Totoo nga ba ang sinasabi nilang kaya mahirap ang mahihirap ay dahil tamad sila? Makakaahon pa nga ba si Juan mula sa kahirapan? Tunghayan ang mga hirap at pagsisikap ng ating mga kababayan sa Reel Time Presents Kitang Kapos ngayong Sabado, Oktubre 20, 9:15 ng gabi, sa GMA News TV.