ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ilang pamilyang #TeamNoYaya, kilalanin sa 'Reel Time'


 

 
Kasali ka rin ba sa #TeamNoYaya?
 
Sa panahon ngayon na marami sa mga young parent ang pinipiling parehong magtrabaho, isang malaking pagsubok ang paghahanap ng mapagkakatiwalaang yaya o kasambahay. Para naman sa iba na sapat lang ang kinikita para sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya, ang hindi pagkuha ng yaya ay hindi na kuwestiyun, kundi isang malinaw na direksiyon.
 
Sina Omni at Bryce, sinuwerte na raw sana sa huli nilang yaya — masipag, magaling, at mapagkakatiwalaan — kaya lang, nagkasakit naman ito. Dahil tatlo na ang anak at sanggol pa lang ang bunso, isang napakahirap na desisyon ang kinailangan nilang gawin — tumigil sa regular niyang trabaho si Bryce para siya ang mag-alaga sa mga bata. Para sa isang padre de pamilya, hindi ito madaling desisyon. Pero habang nasa bahay, inaasikaso naman ni Bryce ang vlog nilang pamilya, kung saan kumikita rin siya kahit papaano.
 
Online business naman ang naisip na sagot nina Mika at Carlo para sa kanilang problema. Dahil natatakot sa mga balitang napapanood tungkol sa mga batang minamaltrato ng kanilang mga yaya, nagdesisyon si Mika na magre-resign din sa trabaho at magnegosyo na lang sa bahay para siya mismo ang mag-aalaga sa kanilang magdadalawang taong gulang na anak.
 
Itong Sabado, kilalanin natin ang pamilya nina Omni at Bryce at Mika at Carlo sa Reel Time, 9:15 ng gabi sa GMA News TV at tunghayan kung paano nila nagagawa ang #NoYayaNoProblem.

 

Tags: reeltime