Puso sa puso: Myke Sotero and Jojo Rugay Love Story sa 'Wagas'
Ang isa’y walang takot na LGBT rights advocate, ang isa nama’y “closet queen” o ‘di lantad na bakla. Ang isa’y masinop, strikto sa kaayusan at kalinisan at halos de numero ang kilos samantalang simple, walang arte, at napaka-natural ng isa.
Magkaiba ang kanilang ugali ngunit pareho naman ang uri ng pag-ibig na nakapagpapatibok ng kanilang mga puso.
Ito ang totoong kuwento ng pag-ibig nina Myke Sotero at Jojo Rugay—ang susunod na istoryang handog ng Wagas!
Nagsimula ang love story nina Myke at Jojo sa isang social networking site. Nang sila’y magkakilala, pareho silang hindi pa ganap na nakalilimot sa dating karelasyon. Subalit dahil unti-unting lumalim ang kanilang pagkakaibigan at pagtitinginan, kalauanan ay nagpasya silang magkita at magsama sa lugar na tinitirhan ni Myke—sa Baguio!
Tulad ng kanilang inaasahan, mas nakilala ni Myke at Jojo ang isa’t-isa nang magsama sa ilalim ng iisang bubungan. At gaya ng ibang relasyon, ‘di naiwasang maging sanhi ng kanilang hindi pagkakaunawaan ang kani-kanilang nakaraan.
Tampok ang mahuhusay na aktor na sina Paolo Contis at Ping Medina, inihahandog ng Wagas ang isang kuwento ng pag-ibig na kukurot sa puso ng mga kababayan nating bahagi ng LGBT o Lebians, Gays, Bisexuals and Transgender community.
Narito ang isang storya tungkol sa klase ng pag-ibig na nahusgahan ng lipunan, ngunit nagpakitang ang tunay na pag-ibig ay damdaming puso sa puso, at hindi tungkol sa kasarian.
Abangan ang totoong kuwentong ito ngayong Sabado, July 6, 7 PM sa GMA News TV.