ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ang wagas na pag-ibig ng same-sex couple na ikinasal sa Baguio




Lalaki, babae, bakla man o tomboy—lahat ay may karapatang makaranas ng wagas na pag-ibig.

Ito ang paniniwala ng Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) advocate na si Myke Sotero.

Pastor si Myke sa Metropolitan Community Church (MCC) sa Baguio, kung saan pinapayagan ang pagpapakasal ng same-sex couples. “Openly gay” si Myke at tanggap siya ng kanyang pamilya.

Ipinagpapasalamat daw ni Myke na sa mura niyang edad ay natutunan niya kung paano ipaglaban ang mga bagay na sa tingin niya ay tama. College student daw siya nang una siyang sumabak sa pagiging aktibista.

“Dahil dito sa pagiging aktibista ko, dito ko rin nakita ang kahalagahan ng [paglabas ko] bilang isang bakla,” sabi niya sa panayam ng “Wagas,” ang unang dokyu-drama ng GMA News TV.

Ito ang unang pagkakataon na lumabas si Myke sa publiko habang inilalahad ang kanyang mga karanasan tungkol sa pag-ibig. Naging laman siya ng diyaryo at telebisyon noong 2003 nang magpakasal sila ng kanyang unang partner, pero hindi nila ibinunyag ang tunay nilang pagkakakilanlan.

“[It was a] bit controversial. Pero hindi [namin ipinakita ang] mga tunay na identity namin,” kuwento ni Myke.

Tumagal ang kanilang pagsasama nang mahigit siyam na taon, hanggang sa binawian ng buhay ang partner ni Myke dahil sa sakit sa puso.

“Pagdating sa ospital, he was already in comatose. Nagkaroon na siya ng blood clot. It was the most devastating day for me,” pagbabalik-tanaw ni Myke.

A second chance at love

Hindi naging madali para kay Myke na mamuhay nang mag-isa pagkatapos mailibing ang kanyang unang partner. Marami raw silang pangarap na nais tuparin nang magkasama, katulad ng pag-aampon at pagpapatayo ng sarili nilang bahay. Hindi raw niya lubos maisip na ang lahat ng iyon, naglaho sa isang iglap.

Nang mauso ang paggamit ng internet, nakahanap ng mapaglilibangan si Myke sa mga social networking site. Malaki raw ang naitulong nito sa kanya upang kahit papaano ay maibsan ang lungkot na kanyang nararamdaman. Kalaunan, ang internet din ang nagsilbing daan para makilala ni Myke si Jojo, ang taong muling magpaparamdam sa kanya ng wagas na pag-ibig.

“One time, meron akong notification na natanggap [tungkol sa] mga birthdays. I thought, mag-post nga ako [ng greeting] sa mga may birthday na ito. And Jojo was one of them,” ani Myke.

“Closet gay” raw si Jojo Rugay noong una silang magkakilala ni Myke. Isa raw sa mga dahilan kung bakit hirap siyang ilantad ang kanyang tunay na pagkatao ay dahil respetado ang kanilang pamilya sa Cagayan de Oro. Mas pinili niyang manahimik kaysa raw siya ang maging dahilan ng pagkasira ng respetong iyon.

“Marami na kaming pinagaawayan ng pamilya ko kasi marami na silang naririnig. At tuwing may naririnig sila, sinusumbatan nila ako. Ako naman hindi ako umaamin,” kuwento ni Jojo.

Ang pagkakaibigan na nagsimula sa internet, mas lumalim daw dahil sa madalas nilang pag-uusap sa telepono. Ani Myke, maghapon at magdamag silang nagkukuwentuhan tungkol sa kanya-kanyang buhay.

“It was as if  I [have known] him for so long na, kasi ang tagal naming nag-uusap noon. Ang dami na niya naikuwento. Ganoon nagsimula 'yung relationship namin as partners,” dagdag pa niya.

Kuwento naman ni Jojo, kapag magkausap daw sila ni Myke, nailalabas niya ang kanyang tunay na saloobin. Hindi rin daw niya inaasahang makatatagpo siya ng kaibigang lubos na makaiintindi sa kanya: “Gusto ko sana noon na magsimula ng panibago at ipinanalangin ko talaga na bigyan ako ng guidance kung saan ako pupunta at paano ako magsisimula. 'Yun nga, nakilala ko si Myke at parehong-pareho kami ng gusto.”

Everything fell into place

Desidido si Jojo na magkaroon ng bagong buhay, kaya mula sa Cagayan de Oro ay bumiyahe siya patungong Baguio. Wala mang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap, malaki naman daw ang tiwala niya kay Myke.

“Noong nag-invite si Myke na 'pwedeng pumunta ka rito o gusto mo dito ka na tumira,' mas lalo akong naging hopeful pa. Parang everything fell into place,” ani Jojo.

Lingid sa kanyang kaalaman, ipinanalangin din pala ni Myke ang pagkakataong iyon: “Lord, if this guy is for me, give me a sign na meron kaming koneksyon nito.”

Katulad ng ibang relasyon, dumaan sa adjustment period sina Myke at Jojo nang magsama sila sa isang bubong. Nagkaroon sila ng ilang beses na pagtatalo dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga ugali, ngunit kalaunan ay naging dahilan naman ito upang mas pahalagahan nila ang isa't isa.

“Siguro 'yung lagi naming napag-aawayan would be ‘yung extreme na ugali namin. Kasi yung pagiging aktibista ko at yung pagiging elitista niya nag-clash,” sabi ni Myke.

Si Jojo naman, hindi raw hinahayaan na magtagal ang kanilang pag-aaway: “Ako ‘yung tipo ng tao na gustong ma-resolve agad [ang problema]. Kaya kinukulit ko siya nang kinukulit. Inaamo ko nang inaamo. Hanggang sa maging okay na siya at okay na kami.



There's no law higher than love

Sa pagtira ni Jojo sa Baguio, napalapit din siya sa mga kaibigan ni Myke mula sa LGBT community roon. Nabigyan siya ng pagkakataong maging bahagi ng kanilang mga aktibidad sa loob at sa labas ng kanilang simbahang MMC.

Sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa kapwa niya miyembro ng LGBT, mas nakilala raw ni Jojo ang kanyang sarili. “Na-realize ko na hindi ako nag-iisa, na marami rin na kagaya ko. Parehas kami ng pinagdaraanan. Parehas kami ng nararamdaman,” sabi niya. “So do’n ako nagsimula mag-isip na hindi naman pala abnormal ang nararamdaman ko. Marami din ang kagaya ko at mabubuti silang tao.”

Isa si Myke sa mga nagtayo ng MMC sa Baguio, kung saan nagkakasal din siya ng same-sex couples. Aniya, naniniwala silang may Diyos na nagmamahal sa kahit sinong tao, anuman ang sekswalidad nito.

Ngunit dahil taliwas ito sa paniniwala ng iba, madalas daw makatanggap ng pambabatikos at pagbabanta ang grupo nina Myke at Jojo. Kinukuwestiyon din hindi lang ang kanilang pagkatao kundi maging ang kanilang simbahan.

“That’s when I felt the injustice and 'yung pagka-unfair ng situation na somebody can call you abnormal, sira ulo, kadiri on national TV, on print and on radio,” kuwento ni Jojo patungkol sa paglabas sa media ng pagsasagawa nila ng same-sex mass wedding.

Sa tuwing may babatikos sa kanila, isa lang daw ang palaging sinasabi ni Myke: “What we’ve been telling people, noon pa, there’s no law higher than love. And that is why we should always celebrate love.”

Never been happier

Pagkatapos ng halos apat na taon ng pagsasama sa iisang bubong, napagdesisyunan na rin nilang magpakasal.

“It was a blessing. Nakakatuwa. Parang hindi namin inexpect na it will all turn out to be a perfect [wedding],” ani Myke.

Hindi lang ang LGBT community ng Baguio ang nakiisa sa kasal nina Myke at Jojo na ginanap noong Disyembre ng nakaraang taon. Maging ang mga kaibigan at kakilala nila mula sa ibang lugar, dumalo rin dito.

“Actually, we received a lot of feedback sa mga guest namin na it was the most solemn and most meaningful na wedding na na-witness nila. Kasi it was really all about love. It didn’t matter kung lalake kami o babae o LGBT. It was a celebration of love,” pagmamalaki ni Myke.

Ayon kay Jojo, ang pagpapakasal niya kay Myke ang naging hudyat ng pagtanggap ng kanyang pamilya sa tunay niyang pagkatao. Patunay rito ang paglipad ng mga ito mula Cagayan de Oro patungong Baguio para masaksihan ang importanteng araw na iyon.

“I would say that I’ve never been happier,” pagtatapos ni Jojo.Rica Fernandez/CM, GMA News
 

Tags: webexclusive