Ang kuwento ng ‘Wagas’ na pag-ibig ni Octoman

Ipinanganak na may “parasitic twin” si Leoncio “Rudy” Santos. Isa itong kondisyon kung saan imbis na mabuo at humiwalay sa sinapupunan ang dapat sana’y kanyang kakambal, permanente na itong kumabit sa kanyang katawan.
Isang binti at isang pares ng braso ang nakakabit sa balakang ni Rudy. Mayroon ding animo’y ulo na may buhok at isang tenga sa kanyang tiyan. Ang sarili naman niyang binti, hindi rin nabuo nang maayos kung kaya’t sa saklay siya umaasa upang makapaglakad.
Bagamat hindi pangkaraniwan ang kanyang panlabas na anyo, hindi raw ito itinuring na hadlang ni Leoncio “Rudy” Santos upang makamit niya ang tunay at wagas na pag-ibig.
Katulad ng mga karaniwang binata, naranasan din ni Rudy na magkaroon ng “crush” hanggang sa kalauna’y ma-in love.
“Siguro, hindi maiiwasan ‘yung paghanga sa mga babae,” paglalahad ni Rudy sa programang “Wagas.”
Ngunit ang unang pag-ibig daw ni Rudy, nauwi rin sa kabiguan. Hindi raw kasi sumipot ang kanyang unang kasintahan noong araw kung kailan napagkasunduan nilang magpakalayo-layo at umiwas mula sa mga mapanghusgang tao.
“Siya ang hindi dumating. ‘Yun na ang huling pagkikita namin,” dagdag ni Rudy.
Buhay-perya
Imbis na magmukmok, iginugol na lamang daw ni Rudy ang kanyang panahon sa pagtatanghal sa perya. Doon na siya nakilala bilang si “Octoman.” Mula 1970’s hanggang sa huling bahagi ng 1980’s, naging laman siya ng kabi-kabilang pista at pinagkaguluhan din maging ng mga dayuhan.
Dahil sa kasikatan ng perya nina Rudy noon, maraming interesado na magtanghal dito. Isa ang grupo ni Evelyn “Belen” Bermejo sa mga mananayaw na tinanggap ni Rudy upang maging bahagi ng kanilang mga palabas.
“Hindi ako nabigla sa kanya nang nakita ko ang kanyang katauhan,” kuwento ni Belen.
Magkabarkada lang daw ang turingan nila noon. Katunayan, ang kapwa mananayaw at kaibigan ni Belen ang nagustuhan at niligawan ni Octoman.
“Una kong naging close ‘yung kaibigan ni [Belen],” ayon kay Rudy. “[Nagkapalagayan kami] ng loob. Katulad ko rin, mahilig siyang magkuwento. Si Belen naman, tahimik lang. Nakikinig lang.”
Ngunit hindi rin daw nagtagal ang pagsasama ng dalawa nang mapagpasiyahan ni Rudy na magpunta sa ibang bansa upang doon subukan ang kanyang kapalaran sa pagtatanghal. Si Belen naman, nanatiling isang kaibigan para kay Rudy. Matiyaga rin siyang naghintay sa pagbabalik ng binata.
“Naghintay ako, pero habang naghihintay ako, para hindi ako mainip, nagta-trabaho pa rin ako sa [pinapasukan] ko dati na karnabal,” dagdag ni Belen.
Sa pagbabalik ni Rudy sa Pilipinas, doon niya napagtantong si Belen ang karapatdapat niyang mahalin—tanggap ng dalaga ang kanyang kalagayan at napatunayan na niyang ito’y maaasahan.
Nagsama sina Rudy at Belen at bumuo ng sarili nilang pamilya. Naging kasing saya at kasing kulay raw ng perya ang kanilang buhay. Pero nang magkaroon sila ng anak, napagpasiyahan nilang manirahan sa probinsya upang bigyan ito ng normal na buhay.
Nasadlak man sa kahirapan mula nang iniwan niya ang mundo ng pagtatanghal, si Belen naman at ang kanilang anak ang nagsilbing kayamanan ni Rudy.
‘Dream wedding’
Ang tanging hiling na lang daw nina Rudy at Belen, ang maikasal at kilalanin bilang tunay na mag-asawa. Ito ang siyang binigyang katuparan ng programang “Wagas” sa kanilang espesyal na anniversary episode.
Naganap ang simple ngunit masayang pagtitipon noong ika-2 ng Pebrero sa Fernwood Gardens sa Quezon City. Dinaluhan ito ng ilan sa mga mahal sa buhay nina Rudy at Belen, maging ng mga bumubuo ng nasabing programa.
“Ngayon lang mangyayari ito sa tinagal-tagal ng pangarap namin. Eto na, natupad na. Hindi ko akalain na darating pa ang araw na ito kaya siyempre, masayang-masaya,” nagagalak na sabi ni Rudy noong mismong araw ng kanilang kasal.
Mababakas din sa mukha ni Belen ang labis na kasiyahan noong araw na iyon. Aniya, “ito ang pinakamasayang parte ng buhay ko—ang maikasal. Kasi natupad na ang pangarap ko. Masayang-masaya ako. This is the day! Ito na!”
Narito ang ilang piling tagpo mula sa kasalang Rudy at Belen na natupad sa tulong ng “Wagas”:
—Rica Fernandez/CM, GMA News