ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kuwentong love at second sight ni Sonny Angara, ibabahagi sa 'Wagas'


 

 

Kakaiba ang kwento nina Sonny at Tootsy Angara. Kung ang iba : “Love at First Sight”, ang love story nila : “Love at Second Sight”!



Nasa highschool noon si Tootsy nang ipakilala si Sonny sa kanya, pero wala daw spark. Si Sonny hindi rin halos maalala ang una nilang pagkikita. Pero pagkatapos ng walong taon… tila doon na gumana ang pana ni Kupido ! Hindi nila alam na nagkakilala na pala sila ilang taon na ang nakararaan.



Torpe si Sonny pero si Tootsy daw ang nakapagpabago sa kanya.  Kay Tootsy, natuto siyang maging palaban dahil ayaw niya na itong pakawalan. Dumaan siya sa mga kamay ng istriktong tatay ng dalaga, bago ito tuluyang maging nobya.


Hindi naging madali ang kanilang naging relasyon lalo na  noong nagkalayo sila dahil sa pag-aaral. Makalipas ang limang taon, nagpakasal sila.

Si Tootsy ang babae sa likod ng tagumpay at kabiguan ng asawa, lalo na noong pinasok nito ang pulitika.  Pero hindi nila sukat akalain na isang malaking dagok ang pagdadaanan ng kanilang pamilya. Na-diagnose na may brain tumor si Tootsy. Hindi naging madali para kay Tootsy na tanggapin ang posibilidad na hindi niya na makakasama ang asawa at mga anak sa kanyang pagtanda. Sa mga panahong ito, si Sonny ang naging sandalan ni Tootsy.

Mas malakas daw ang  naging kapangyarihan ng dasal at pagmamahal keysa sa malalang karamdaman ni Tootsy. Nalagpasan nila ang pagsubok at sa ngayon 13 years na silang magkasama "happily ever after ."

Tampok sina MIKAEL DAEZ at CARLA HUMPHRIES na bibigyang buhay ang love story nina Senator Sonny at asawang si Tootsy Angara,  isang kwentong pampamilya at may kurot sa puso  ang handog ngayong Sabado ng WAGAS 7PM sa GMANEWSTV.