Pag-iibigan sa kabila ng kapansanan, tampok sa 4th anniversary special ng 'Wagas'
BEAUTIFUL STORIES OF LOVE ON WAGAS’ 4TH ANNIVERSARY!

Ngayong Buwan ng mga Puso, tatlong iba-ibang mukha ng pag-ibig ang handog ng WAGAS sa ikaapat na anibersayo ng programa. Paiinitin ang huling tatlong Sabado ng Pebrero sa mga love stories na magpapaiyak at aantig sainyong mga puso.
“Kung hindi kayang sabihin ng bibig, puso ang magpapahiwatig”, ‘yan ang patutunayan ng kwento ni Joel, isang deaf-mute at ni Christina na bibigyang buhay nina ROCCO NACINO at KRIS BERNAL. Pipi at bingi si Joel samantalang normal naman si Christina. Sa kanyang mundo, walang naririnig si Joel at tanging muwestra ng “sign language” na natutunan lamang sa mga kasamang deaf-mute ang paraan niya para maipahayag ang sarili. Pero nagmahal ng matindi si Joel at ginawa niya ang lahat para ipadama ang kanyang pag-ibig para kay Christina kahit hindi man siya nito naririnig. Ang naka-aantig na kwentong ito ay mapapanuod sa February 11.
Matutunghayan naman sa February 18 ang kauna-unahang pagganap ng premyadong aktres na si JEAN GARCIA sa Wagas kasama si Neil Ryan Sese. Ang kwento ng tinatawag na “Pamilya Unggoy” mula sa Nueva Ecija ang tampok sa episode. Gagampanan ni Jean Garcia ang papel ni Krising, ang nanay ng tatlong mga batang isinumpa daw at lahat sila’y ipinanganak na maliliit ang ulo. Ang tawag sa kondisyon nila ay “Microcephaly”.
Sa huling Sabado ng Pebrero, tampok ang Kapuso couple na sina CARLA ABELLANA at TOM RODRIGUEZ sa isang naiibang mukha ng pag-ibig na nabuo noong panahon ng Martial Law. Ito ang love story ng aktibista at mamahayag na si Satur Ocampo at freedom fighter na si Bobbie Malay. Isa sa pinakamatagal na political prisoner si Satur. Dinakip siya noon at mahigit siyam na taong nakulong. Matindi ang pinagdaanang torture. Araw araw na pinapaso at kinukuryente. Sa gitna ng panganib, hindi sumuko ang babaeng naging inspirasyon niya para ituloy ang laban niya para sa bayan.