ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Sumpang dala ng misteryosong bisita, tampok sa 'Wagas'


 


Mahirap ang buhay pero masayang nagsasama ang mag-asawang sina Rudith at Manny kapiling ang kanilang anak na si Reniel sa Kalayaan, Laguna. Pero isang hindi inaasahang bisita ang gugulo sa mapayapa nilang pagsasama.



Makikitira sa kanila ang dating kasamahan ni Rudith sa trabaho na si Corazon. At simula ng araw na dumating siya, makakaramdam si Manny ng ilang hindi magandang mga pangyayaring susubok sa pagmamahalan nilang mag-asawa. Kakaiba kung kumilos si Corazon, laging nakaitim, misteryoso at halos walang kinakausap --- maliban sa anak nilang si Reniel.

Isang araw lalayas si Corazon at hindi na muling magpapakita… pero katumbas nito’y isang misteryosong sakit ang dadapo kay Reniel. Hindi matukoy ng mga doktor kung ano ang karamdaman ng bata... hanggang unti unting magbabago ang kanyang itsura. Ang pitong taong gulang na anak nina Rudith at Manny---- magiging matanda ! Kukulubot ang kanyang mga balat, magkakaroon ng bigote at manghihina. Ang tingin ng marami, isinumpa raw ni Corazon ang bata.

Pero ang pinakamasakit sa lahat,  babawian ng buhay si Reniel.  Guguho ang mundo nina Rudith at Manny.

Isang kwentong nababalot ng misteryo at kababalaghan na susubok sa isang wagas na pagmamahalan ang tampok sa WAGAS. Pagbibidahan nina YASMIEN KURDI at BIBOY RAMIREZ kasama si MIGS CUADERNO ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV!