ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Love story ng viral na 'Padyak Lolo,' tampok sa 'Wagas'


 


Kamakailan lang naging viral ang larawan ng isang lolo na nagpapadyak ng isang pedicab lulan ang kanyang asawang maysakit. Mula Quaipo pinapadyak ni Lolo ang malayong daan patungong Batangas Pier para maiuwi lang ang kanyang kabiyak na ngayon ay paralisado. Marami ang naantig ang puso sa larawan, lalo na ang ilang grupo ng mga siklistang kalaunan ay tumulong na upang maiuwi ni Lolo Alfredo si Lola Emilia.Pero lingid sa kaalaman ng marami, pampelikula pala ang true to life love story nina Lolo at Lola!

Mula Mindoro noon ang binatang si Alfredo samantalang galing Visayas naman ang mas batang si Emilia. Sa Maynila sila pagtatagpuin ng tadhana. Isang security guard si Alfredo at si Emilia naman ay labandera. Kalog at masayahin si Emilia at sa katunayan, parang siya pa raw ang unang nanligaw kay Alfredo.  Nahulog ng husto ang loob ng binata sa dalaga at naging matamis ang kanilang pagsasama. Magkakaroon sila ng pamilya at mabibiyaan ng anak.



Pero isang malaking pagsubok ang pagdaraanan ng kanilang relasyon. Matutukso si Emilia at ang lalaking magiging kasalanan niya ay ang bestfriend pa ni Alfredo na si Edgardo. Iiwan ni Emilia si Alfredo para sumama kay Edgardo. Magiging impiyerno ang buhay niya sa piling ng ibang lalaki. Sa paglipas ng maraming taon… mamamatay si Edgardo. Maiiwan si Emilia na palaboy at may sakit.



Nang malaman ni Alfredo ang sinapit ni Emilia, hahanapin niya ito. Walang halong galit o paninisi, patatawarin niya ang unang babaeng minahal niya. Mahahanap niya si Emilia sa isang “home for the aged”. Matanda na, paralisado at halos wala nang pag-asa sa buhay. Kakalimutan niya ang lahat ng naging kasalanan ni Emilia at parang noong sila’y mga bata pa--- bibigyan niya muli ng pagkakataon ang kanyang sarili na ibigin muli ang nag-iisang babaeng minahal niya.



Sila ang mag-asawang Lolo Alfredo at Lola Emilia na ngayon ay sakay ng isang padyak para sa pag-ibig.

Tampok sina  DIONNE MONSATO at ALBIE CASINO kasama ang mga beteranong artista na sina LOU VELOSO at LUZ VALDEZ … isang hindi malilimutang kwento ang handog ng WAGAS ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV!

Tags: plug, pr, wagas