Ang magkapatid na Bea at Iggy ang maswerteng makakaranas ng isang pambihirang weekend kasama si Drew Arellano as "Weekend Getaway" takes them on an adventure to Botolan, Zambales! Medyo matagal na raw hindi nakakapagbakasyon ang magkapatid na parehong nurse. Kaya naman excited ang dalawa sa kanilang pagbisita sa Botolan na pinakamalawak na munisipalidad pala sa buong probinsiya ng Zambales. Nanggaling ang pangalang “Botolan” sa salitang Zambal na “boto” na ang ibig sabihin ay mabuto. Noon daw kasi, hitik ang lugar sa mga puno ng mabutong saging.

Maraming ipinagmamalaking natural scenery ang lugar. Nariyan na ang Mt. Pinatubo na huling pumutok noong 1991, pati na ang magagandang beaches na nakaharap sa South China Sea! Pero isang farm ang unang papasyalan ng warriors. Dito, goat feeding, sheep trimming, at harvesting ng mga itlog ng itik ang mararanasan nila. Sa Botolan’s Wildlife Farm naman na isang pribadong conservation site, makikipag-bonding ang magkapatid sa mga alagang hayop dito tulad ng tiger, iguana, wild boar at mga unggoy.

Matapos ang kanilang animal encounters, bibisitahin ng magkapatid ang simbahan ng Sta. Monica na siyang pangalawa sa pinakamatandang colonial church sa buong Zambales. Itinayo ito noong 1700 pero natapos lang noong 19th century. Dito makikita ang imahe ni Sta. Monica na patron ng mga taga-Botolan. Bibisitahin din ng dalawa ang mga katutubong Aeta. Mula nang pumutok ang Mt. Pinatubo, sa Masinag Village na nila piniling manirahan. Dito, mapapasabak sa pagsayaw ng courtship dance ang magkapatid. Papasa kaya ang kanilang dance moves? Samantala, memorable swimming experience ang mararanasan ng dalawa sa pagpunta nila sa Rama Beach. Dito kasi, makakasali sila sa kakaibang rescue training gamit ang surfboard! Para makumpleto ang kanilang day at the beach, first time na masusubukan ng dalawa ang surfing. To cap the day, isang relaxing massage session with the local hilot ang naghihintay sa kanila.

Isang maaksiyong 4 X 4 ride din ang naghihitay sa magkapatid sa Mt. Pinatubo. Sakay ng mga 4 X 4 vehicles, babaybayin ng warriors ang mala-disyertong lahar. At matapos ang makapigil hiningang joy ride, maglulublob naman sila sa hotspring na nanggagaling sa mismong crater ng bulkan. Sa huli, isang masarap at nakakabusog na buffet ang magsasara ng kanilang unforgettable Mt. Pinatubo adventure! Pero bago matapos ang kanilang Botolan getaway, kailangang sumabak nina Bea at Iggy sa tatlong travel missions para masungkit nila ang twenty thousand pesos worth of sports products. Sa Warriors vs. Time, kailangan nilang umubos ng labinlimang piraso ng suman sa loob ng limang minuto. Sa Warriors vs. Expert, kailangan naman nilang malampasan ang dami ng palakang mahuhuli ng isang eksperto sa paghuli ng palaka. Pero para may partida, paa lang ang gagamitin ng eksperto sa paghuli!

Sa Warriors vs. Drew, kailangang unahan ng warriors si Drew na itawid sa ilog ang isang karitong hila-hila ng isang kalabaw na may kargang animnapung kilo ng gulay! Kayanin kaya ng magkapatid na nurse ang challenges na ito? Huwag palampasin ang mas pinabonggang pasyalan at mas pinatinding travel missions ng "Weekend Getaway"! Mapapanuod na sa bago nitong timeslot sa Sabado, October 27, 4:30 ng hapon sa GMA News TV.