OPINION: Ask Atty. Gaby: Shame campaign vs. pasaway sa kalsada
Mapapakamot-ulo ka na lang talaga sa mga pasaway sa kalsada!
Kabi-kabila ang nako-caught on cam na mga lumalabag sa batas trapiko!
Gaya na lang ng driver ng kotse sa Kawit, Cavite na hindi tumigil kahit sinampahan na ng traffic enforcer na maniniket sana sa kanya dahil sa nasagi umanong motorsiklo.
Sa Marikina naman, sugatan ang isang lola matapos ma-hit-and-run ng isang SUV habang tumatawid sa pedestrian lane.
At viral din ang pagkahulog ng isang bata mula sa umaandar na utility vehicle sa Pasay City matapos biglang bumukas ang pinto ng sasakyan!
Kaya ang DOTr, pinag-aaralan na raw ang paglulunsad ng isang shame campaign laban sa mga driver na pasaway.
Kapag itinuloy 'yan, isasapubliko raw ang pangalan at litrato ng mga abusadong driver.
Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol dito?
Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano ang sinasabi ng batas tungkol sa binabalak na shame campaign kung saan isasapubliko ang pagkakakilanlan ng lumabag na driver?
Medyo delikado yata ito. Sa pangalan pa lamang, parang medyo alanganin na ang dating.
Dahil kung ang pangunahing layunin ay ipahiya ang mga diumano abusadong driver na 'yan – na ipalalabas ang mga pangalan at litrato at siguro may kasamang medyo maaanghang na salita – baka magkaroon ng paglabag sa batas at sa mga karapatan ng magiging “shamed drivers” na 'yan.
Unang una, sino ba ang mga tatargetin dito? Mga akusado pa lamang ba ng paglabag ng batas? Ano ang kaso? Violation ng mga traffic rules? O kriminal na kaso sa hukuman?
Tandaan po natin, may presumption of innocence ang mga taong naaakusahan ng isang krimen – at ang presumption na 'yan ay protektado ng Article III, Section 14 ng 1987 Constitution. Or baka naman hindi pala guilty ay napahiya na sa publiko. Or kung traffic violation lamang eh baka naman napahiya na at nasira naman ang reputasyon sa komunidad.
Ito din ay maaaring paglabag ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act of 2012 na nagbabawal sa basta-bastang paglalabas ng personal information nang walang legal na basehan.
Of course, may mga exception naman gaya kung ito ay para sa public interest o public safety. Pero itong public interest o public safety na anggulo ang pangunahing objective at hindi naman ang shaming o pagpapahiya lamang para maturuan ng leksyon. Halimbawa kung may hit-and-run na nangyari at kailangang mahanap agad ang salarin, well puwedeng ilabas siguro ang picture, hindi po ba.
Siguro maihahantulad natin ito sa mga “wanted” poster or announcements na minsan ay makikita natin. Pero usually ang mga ito ay may warrant of arrest na – ibig sabihin although hindi pa naman sila nahatulan, meron ng sapat na ebidensiya na nagtuturo na malamang ay guilty sila kaya't kailangan ipaharap sa mga korte.
Kung matatandaan ninyo, nagkaroon dati ng shame campaign si dating mayor Alfredo Lim. Iba naman ang modus ng shame campaign niya – pinipintahan niya ang mga bahay ng mga kilalang drug pusher. Hindi umabot sa Korte Suprema ang kaso – pero sinabi ng Court of Appeals na ang ganitong shame campaign ay labag sa Constitution. Parang pinarusahan mo na ang akusado ng walang due process. At kung guilty man siya, ang sobrang pagpapahiya ay hindi naman kasali sa mga penalty na nakalagay sa batas. And of course, hindi lamang siya, pati ang pamilya niya at lahat ng nakatira sa bahay kasi inii-spray paint ang mga bahay dati ng mga supposed drug pushers.
Kaya't sa ganang akin, kasuhan ang mga abusadong driver to the full extent of the law. Tanggalan ng lisensiya kung talagang menace to the public. Kasuhan ng kriminal kung talagang pabaya. Pagbayarin ng danyos at ikulong. I-report ang mga pangyayari – pero ang pangunahing layunin ay para huwag tularan ng ibang tao, hindi para ipahiya ang maysala.
Kaya kung ipatutupad ang shame campaign, dapat siguraduhin na may legal basis at may due process.
Sa huli, importante na mapanagot ang lumalabag, pero hindi rin dapat isakripisyo ang karapatan ng bawat isa.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip.
Ask me, ask Atty. Gaby!