ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Uwian na


Pasukan na. At di ko maiwasang magbalik-tanaw sa buhay-istudyante. Mas okey ang sitwasyon ko noon kumpara sa ibang anak-mahirap. Kung karaniwang nahihinto sila sa pag-aaral pagkatapos ng Grade IV, ako, bakasyon ng first year high school nang sabihan nina nanay at tatay na wala na silang badyet na pang-enrol ko. Apat na taon nang baldado ang kaliwang kamay ni erpat noon. Dahil ito sa pagkasaksak ng kapwa niya drayber nang magkasagian ang mga minamaneho nilang bus sa Lagusnilad ng Quiapo. Damay ang nerve sa mga tinamaang tissue sa ilalim ng kaliwang kilikili. JD Transit ang kompanyang pinapasukan niya. Grumadweyt ako ng Grade VI noong tatlong taon na akong transferee sa Mababang Paaralan ng Bagong Buhay galing sa isang tabing-dagat na bayan sa Samar. Nag-first year high school ako sa Sapang Palay National High School. Lageng katatawanan ng mga klasmits ang pagbasa ku ng lison sa blackburd. Pagkatapus ng nambir payb, nambir seks kase ang begkas ku. Buhay Pinoy ng Banyuhay ni Heber Bartolome ang sagap na usong Pinoy folksong noon. Kasabayan yata ang Band on the Run album ni Paul McCartney, ang putok na English rock. Naglabandera si ermat sa kapatid na bading ni erpat. Kapag walang laba, nanghihingi kami ng bigas at pera sa kanya. Minsan, ako ang nauutusan. Sa idad na labing isa, binibyahe ko ang Sapang Palay via Avenida, Sta. Cruz hanggang Pasay at vice-versa. Kapag nandun ang dalawang tiyahin ko, kung anuanong sama-ng-loob nila kay erpat ang isinusumbat sa ‘kin. Para akong niraratrat ng M-16 mula ulo hanggang paa. Kapag hindi sila kuntento, mula paa hanggang ulo naman. Saka lang ako makaaalis kapag hindi na sila nandidilat at banayad na ang mga hininga at balikat nila. At hindi ko naiintindihan noon ang masamang tinapay nila kay erpat. Pero ganun ang klase ng tinapay na pumuno sa kalam-ng-tiyan, dibdib at utak habang patawid ako galing pubescent patungong adolescence stage. Hindi ko alam noon kung kasing amagin, o kasimpanis lang din ito ng tinapay na ipinakain sa akin ng lola ko (kay erpat) mula bago ako mag-Grade I hanggang Grade III. Lihim siguro nilang ‘pinagpasalamat sa tiyuhin ang pagkusa kong magpakatulong para lang makaenrol sa Second Year habang itinuring ito na bagong utang-na-loob. Nagpatuloy ang pagkawalay ko sa mga magulang at pagkain ng masamang tinapay ng mga kamag-anak. Pero kasabay din ang ibang putahe ng malasakit at kabutihan nila. Napansin ng titser sa Form 137 na pababa ang general averages ko hanggang second year high school. Movable, talkative ang remarks sa likod ng card. Iwas kunsinti ang isa ko pang tiyahin, na titser din, nang sabihin niya sa adviser ko na, “magpapamisa ako sa Baclaran kapag tumino ang pamangkin ko!” A, ngayong naungkat sa alaala, ganito ang suma at lagom sa karanasang ito: ideyal na asal ng isang pubescent–adolescent: ang pag-iwas sa igting ng pagkawalay sa mga magulang; di pag-asa (sana) sa kamaganak; at magpapansin sa iskul. Kung hindi, baka sumayad agad ang utak. Sa kabilang banda, malalim lang talaga ang rock bottom na kinalantugan pagbagsak. Walang konsiderasyon sa geology at physics ang pwersang tagasira ng ulo. Isa ang kahirapan ng milyunmilyong gaya ng mga magulang ko ang lulunasan daw ng diktador nang ipataw ang martial law noong 1972. Alam na ng buong mundo na sintomas ng addiction sa kapangyarihan ang giyang sa kamay-na-bakal. Sa likod ng mga kinalburong pader ng kaunlaran at liblib ng relocation area na kumubli at kumanlong sa komunidad namin, hindi ako superboy kagaya ng ibang anak-mahirap, na hindi tinatablan ng ratrat ng mga kamaganak para makapokus sa pag-aaral. Hindi mahirap. Pero hindi rin mayaman ang bayaning si Dr. Jose Rizal (advance happy birthday Doc!) Bago siya naging Renaissance Man, dalawang taon na nakulong ang nanay niya. Dahil ito sa bintang na paglason sa taksil na asawa ng pinsan ni Doña Teodora. Labing isang taon si Dr. JR noong 1872 at tatlong buwan pa lang ang lumipas nang patayin sa garrote ang mga paring GOMBURZA nang mag-intermediate siya. Ayon kay Jose Baron Fernandez, awtor ng JOSE RIZAL, Filipino Doctor and Patriot, naikwento kay Dr. JR ng Kuya Paciano niya ang mga hangarin ng tatlong pari. Istudyante kasi si Paciano ni Fr. Burgos. Sa maagang idad, first hand din ang karanasan niya sa kalupitan ng mga kolonisador. “One dark night, while taking a stroll I was assaulted and jailed, despite my being wounded. They threatened me with deportation for the sole reason, that in the darkness of the night, I failed to lift my hat as I passed the lieutenant of the guardia civil. It took two weeks before my wounds were healed.” Salin mula sa Espanyol na Memorias de un Estudiante de Manila ng ating pambansang bayani. Sobrang ikinalungkot ni Dr. JR ang pagkalayo sa pamilya pag-alis ng Calamba at Biñan para magpatuloy ng pag-aaral sa Manila. Ang bulnerabilidad na ito ay babalansehin naman ng pagkahulog-ng-loob niya sa mga Segunda Katigbak, o Leonor Rivera, o Josephine Bracken. Sa gitna ng unos ng mga personal, pampamilya, at panlipunang kondisyon, hataw siya sa Ateneo Municipal. Sobresaliente-excellent-mahusay ang average niya. Batay dito, Philosophy and Letters ang kanyang potential. Pero nang malaman na may katarata ang mahal niyang ina, nag-shift siya ng medicine para magpaka-dalubhasa ng ophthalmology sa Unibersidad de Sto. Tomas. Kumbinasyong sobresaliente, bueno (good,) aprobado (pasado) ang mga grade niya sa antas na ito. Pero mas malupit ang panahon ngayon. Sinasabi kasi ng mga trapo (traditional politicians) na mas sibilisado, o moderno na ang bansa ngayon kumpara sa panahon ni Dr. JR. Pero parang andito pa rin ang mga guardia civil na handang mandukot at pumatay ng mga lider-istudyante nang kursunada lang. Nakatali pa rin sa mga daliri ni Uncle Sam at iba pang foreign investors ang mga batas na aprubado ng legislative, pinatutupad ng executive at kinukumpirma ng judiciary branches of government na parang maniobra ng mga prayle, governor general at monarkiya ng Kastila noon. May pakiramdam lang ako na dahil laos na ang padrinong pamamahala ng mga trapo, dumarami talaga ang mga bulnerable ngayon. Unang una na diyan ang mga istudyante galing sa 2.5 milyong pamilya ng OFW mula sa 18 milyon na pamilyang Pinoy (PDI, 05-25-08). Pero nagiging Dr. JR, o Bonifacio kaya sila? Baka naman Emilio Aguinaldo, o Makapili at Ador Mawanay? Inabot ng siyam na taon bago nakabawi ng lakas ang bisig ni erpat. Habang nasa kolehiyo ako noon, nadikit ako sa SR (Samahang Rockers.) Lenggwahe sa buong Pilipinas ang salita ng barkada. Galing din sila sa ibaibang frat at sorority. Tapos yata sila ng ROTC kaya mahahaba at stylized ang mga hairdo. Blackboard lang ang dingding ng classroom na tambayan namin. Kapag nagti-tipuntipon saka may nagpapabyahe ng tagay. Bigla ring may nagsisindi ng omads. At hindi sila nakalulusot sa puna ng mga aktibista. Sa isang punto, iinit ang “recitation,” o pagbusisi sa kabuluhan ng mga kanta ng Juan dela Cruz, Maria Cafra, Banyuhay, Asin, Anak Bayan, Sampaguita, Bob Dylan, Joan Baez, The Who, Crosby Stills Nash & Young, Arlo Guthrie, Woodstock 69, Jackson Brown, Bruce Springsteen, etc.. Kaya, kapag pumasok na ‘ko sa Botany, Zoology, Chemistry, Psych, Logic, kahit kasisimula pa lang ng klase, uwian na agad ang nasa isip ko. Para makabalik sa walang dingding na classroom discussion. Hindi na ako pinag-enrol sa third year dahil umiinom lang daw ako ng adik. Pero ang malaking bahagi ng katotohanan, wala na ring badyet sa tuition noon ang tiyuhin ko kasabay ng malalang krisis sa langis. Samantala, isinalarawan pa ng awtor ang study habit ng pambansang bayani natin, “he strongly disliked the memorization method, and the bookish system of learning.” Ipinahayag ni Dr. JR sa sulat sa kaibigan niyang si Mariano Ponce, na ang lipunan mismo ay mabisang basahin din, ”Without 1872, there would not be a Plaridel nor a Jaena, nor a Sanciaco, nor would there be such brave and generous Filipino communities in Europe. Were it not for 1872, Rizal would now be a Jesuit, and instead of writing Noli, I would have written the contrary. Seeing those injustices and that cruelty, even as a boy, my imagination was awakened and I swore to dedicate myself someday to avenge the wrongs committed against so many victims. With this idea I pursued my studies, and this can be seen in all my works and writings. God will gave me the chance, someday, of carrying out this promise.” Kahit ratrat ng ano pang kondisyon at naitawid ng masamang tinapay, alam kong hindi ako magiging Emilio Aguinaldo o Ador Mawanay. At wala ako sa kalingkingan ni Dr. JR. Pero kung masisingit man ako sa kalingkingan, ako ang dungis sa kanyang kuko. At kung walang mga dating istudyanteng kagaya ko, tiyak na ang propesyon sa parlor ng buhay ay para lang sa mga banidoso.