ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tahimik na hikáb


May mga sandaling sensasyon ng pintog na pantog ang gumigising sa atin. Pumapakakak ang tilaok ng tandang. Umiigting ang panga at kusa ang buka ng bibig. Kapag hindi na matiis ang puson, lulugulugong bumabangon. Isinasadsad ang tsinelas sa sahig papunta sa CR. Lumalagaslas ang ihi sa inidoro. Ganundin ang pagsalin ng tubig sa baso. Gumagaralgal ang limugmog saka iliniligwak sa lababo. Parang tapón na pumasak sa tenga ang sinok ng lagok. Sumasadsad pabalik sa higaan ang tsinelas. Paghubad ng paa, lumulubog ang inuupuang bahagi ng kutson… Nagpapabigat sa likod ang balikat, saka lumalapat ulit sa unan ang magkahanay na tenga at sintido. Nagpapaginhawa ang buga ng ipuipo ng elesi kahit maugong ang electric fan. Habang ang magkadaop na palad ay nakapagitan sa mga gilid ng nanlalambot na tuhod. Hindi pagmulat, hindi pag-imik at hindi pagkibo ang pangontra. Tumitinis ang rewind sa isip ng mga nagpapaalalang panaginip. Tinitistis na tiyan ng inang caesarean ang silangan. Bumabalong na dugo ang sinag. Pumapakakak ulit ang tilaok. Sumisiyapsiyap ang ilang ibon na nagpalipas-dapo ng gabi sa puno bago paisaisang pumapagaspas para ituloy ang paglipad. Rumirebolusyon ang istart ng dyip ng pinakamalapit na kapitbahay. Humuhupa sa pag-angat ng silinyador. Sumisigabo ulit ang mga piston ng makina, umaalimbukay ang buga ng tambutso. Para primera ang pagkakaapak sa klats, ikinakasa pasulong ang kambyo. Saka umaabante ang itim sa dilaw na plate number, nakapagitan sa estribo at matting ng byahe. Pauwi at papasok ang salubungan ng harurot ng mga traysikel at kotse. Pumipito ang takore. Linalagutok ng kutsilyo ang sangkalan sa pagpisa at paghiwa ng bawang. Sumasagitsit sa kawaling kinakalansingan ng syanse. Nanunuot ang aroma ng gisa. Hinahalo ang imported na kaning nasasangag. Bumubudbod ang ulat ng mga balita sa AM radyo ng kapitbahay. Nagbabatbatan ang magkahidwang aliwaswas at puna sa state of the nation address. Ginagatungan ng alingasngas at sinasabuyan ng hakahakang malamig. Linalagom ng kumentarista ang magkabilang-panig ng interbyu at kunsinti. Hinahanda ng mga bata ang takdang-aralin at argumentong magsusulsi sa butás na bulsa. Lumalagitik sa pinggan ang kwenta ng kutsara’t tinidor kung kailan darating ang balikabayan box. Bumubulubók ang bawat higop sa tasa. Hindi pagmulat, hindi pag-imik at hindi pagkibo ang pangontra. Napupukaw ang mga pandama kahit manhid sa unan ang sentido. Lumalaya ang puso kahit nakarehas sa tadyang. Namumulat ang isip kahit nakapikit ang mata. Pinanunumbalik ng hilik ang sigla ng tuhod pagkat bumabangon ang kaluluwa. Nagmamasid sa agwat ng pangarap at katuparan. Ikinu-cue ang na-rewind na panaginip. Isinasadula ang sangkot na alaala ng budhing may malasakit. Nag-iinat ang paa sa tistis ng silangan para kusang ilubog ang buwan at iluwal ang araw. Lumalagapak ang habagat sa puwit ng suhi at kambal na kabilugan. Sambuntung-hininga’t nanunulig ang magkasalungat na palahaw ng sabay na sinag ng panahon. Naaalinsanganan ang himasmas ng sabik magbanlaw. Sinasalok ng tabo ang tubig na ‘pinupuno ng gripo sa timba. Tahimik na hikáb ang umagang sumasamyo ng shampoo, sabon at ‘sinampay na tuwalyang basâ.