ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagkatapos ng isa pang linggo - Pacquiao at Cotto


Walang kaduda-duda na pag dumating na ang araw na siya'y nag-pasya nang magretiro, papasok si Pacquiao sa kategorya ng Sampung Pinakamagaling na Boksingero sa Kasaysayan ng Boksing. Saan man siya ilalagay sa hanay ng Dakilang Sampu – sa itaas man o sa ilalim ng Dakilang Panlima – tiyak na sasaludo ang mundo ng boksing sa kanyang nagawa. Ngunit aktibong boksingero pa rin si Pacquiao at napakaaga pang sukatin siya kumpara sa mga nakamit ng iba na nagretiro na sa labanan ng boksing. Hindi pa tapos ang lakbayin ni Pacman at may ilang bundok pa siyang nais na tibagin. Tiyak man ang kanyang tala sa kasaysayan ng boksing bilang unang manlalaban na pitong ulit na naging kampeon sa pitong magkakaibang weight division –maraming iba't ibang pamantayan ang gagamitin para matukoy ang kanyang lugar sa mga All-Time Greatest List ng madla. Madali magbigay ng opinyon kung ang tanong lamang ay "Pabor ka ba na kilalanin si Pacquiao bilang isa sa pinakamagaling – o pinakagamaling – na boksingero sa kasaysayan ng boksing?" Mas mahirap sagutin kung ang tanong ay susundan ng "Kumpara kanino – at bakit?" Kung ang tanging paliwanag na gagamitin ay tungkol sa kakayanan o kalidad ni Pacquiao – kayang-kaya. Ngunit higit na mas mahirap sagutin – at sagutin ng tapat – kung kailangang ipaliwanag din natin hindi lamang ang mga katangian ni Pacquiao kundi pati na rin ang katangian ng mga boksingerong sinasabi nating nalampasan na niya o di pa niya nadadaig. Hindi dapat magmadali sa paghirang kay Pacquiao bilang isang miyembro ng "Top Twenty" o "Top Fifteen" o "Top Ten Greatest Boxers of All Time." Kung may kompiyansa tayo sa kanyang nagawa na at sa kanyang kakayahang lampasan pa ang iba, tungkulin natin na buuin ang sarili nating listahan – kung kaya, hanggang singkwenta; kung hindi, eh di hanggang beinte, o kinse, o sampu – at himayin ang mga katangian na nagsasabi kung bakit si Ganito ay dapat nasa unang lima at si Ganoon ay wala sa unang labinlima. Tulad ng inaasahan, sandamakmak ang nagbigay ng komentaryo, tugon, tanong, kantsaw, halakhak, at dagdag pang tanong hinggil sa nakaraang piyesa na nagbabalik-tanaw sa banggan ni Pacquiao at Cotto. Maraming hindi sumang-ayon na nagpaabot lang ng ngitngit, ngunit marami rin ang tumutol sa pamamagitan ng pag-hugot sa iba't ibang karanasan at kaalaman sa boksing. Isang saludo po para sa mga nagbigay ng kanilang pananaw sa pamamagitan ng pagtimbang sa mga kwalipikasyon ng mga boksingerong hinahangaan din nila ngunit sa pagtingin nila'y higit nang nalampasan ni Pacquiao. Para naman sa mga gusto lang ibandera na idolo nila si Manny at di bale na ang sino pa mang boksingero, ok lang! Apir din sa inyo. Paalala lang – napaka-subjective ng pag-gawa ng ganitong uri ng talaan. Subukan mong maglista ng "Top Ten Bands of All-Time" at agad na mamumulaklak ang mga sagutan; maski criteria pagtatalunan. Pagdebatihan na lahat, pero ang puso niyo inyong ingatan... Paminsan lang talaga, hindi sapat ang cheerleading. Hindi sapat na tingnan lang ang nakamit ng ating napupusuan. Mas nagiging tanyag pa nga ang mga taong nais nating kilalanin o kilalanin ng iba kung kinikilala rin natin ang mga taong sinasabi nating kanilang nadaig. Ginawa ito ng iba nang kanilang ilagay ang record ni Sugar Ray Leonard at Pernell Whitaker sa tabi ni record ni Pacquiao at mula dito idiniin na walang dudang dapat mauna si Pacquiao sa dalawa sa listahang All-Time Greatest Fifteen Boxers. Kahit na may kasamang kantyaw (sports lang!) dapat palakpakan ang ganitong klaseng tugon. Kasi maliwanag batay sa pinupuntos ng nagkoment na kung titimbangin ang record ni Leonard at Whitaker sa record ni Pacquiao, lamang na lamang si Pacman. Gumamit siya ng batayan at tiningnan ang tagumpay ng tatlo at mula dito nagpasyang mas matimbang talaga si Pacquiao. Isantabi natin ang una kong pamantayan (aktibo pa nga kasi si Pacquiao) – may ilang tanong pa rin na kailangang harapin ng nagbahagi ng nasabing pananaw (pati na ng mga sumang-ayon dito.) Heto isa – kung daig pala ni Pacquiao si Leonard at Whitaker batay sa nakasulat na record, #12 lang ba talaga si Pacquiao sa inyong listahan? O dapat mas mataas pa? Baka naman numero dose lang talaga? Kung dapat mas mataas pa, ganoo pa kataas? Sino ang bababa o sino ang mawawala sa listahan? Bakit? Ganyan malimit ang diskusyon sa ganitong uri ng listahan – hindi palakasan ng sigaw. Kahit hindi pa rin magkasundo sa konklusyon, mas mainam pa rin na seryosong timbangin at kilalanin ang mga nais na mabilang (o matanggal sa listahan). Halimbawa, tatanggalin niyo ba si Larry Holmes? Kung ang criteria ay "endurance bilang isang kampeon," "madalas na depensa sa titulo," at hindi pag-ilag sa kahit sinong challenger," mahirap bastang ilaglag si Holmes, na may dalawampung walang talong depensa sa kanyang heavyweight title, tatlong beses isang taon kung lumaban nung siya'y kampeon, at walang iniwasan. Kung ito naman ang gagamiting pang-timbang kay Pacquiao, mahihirapan si Pacman, dahil hindi patas ang aplikasyon ng criteria sa kanilang dalawa. Nakamit ni Pacquiao ang pinakatanyag na katangian ng kanyang career sa pamamagitan ng makasaysayang pagpanalo ng pitong titulo sa pitong weight class. Kaso dahil dito walong ulit lang ang pinakamaraming niyang title defense sa isang weight class (sa super featherweight; umakyat siya pagkatapos sa lightweight laban kay Diaz). Sa usapin naman ng fight frequency bilang kampeon, maraming taon na tigalawa lang ang laban ni Pacman. May mga taon pa nga na isa lang ang kanyang laban. Ibig sabihin ba, mas lamang si Holmes? Hindi rin – kasi pwede ring sabihin na dahil paakyat ang direksyon ni Pacquiao, hindi basta-basta na lumaban ng tatlong beses kada taon habang nagdadagdag siya ng timbang. Sa sukatan naman na "walang iniiwasan" – madaling sabihin na wala pang iniwasan si Pacquiao (at malamang wala talagang iiwasan). Ngunit dito papasok uli ang usaping hindi pa tapos ang kanyang paglakbay. Andyan pa ang Bundok Mosley at Bundok Mayweather (na tingin ko'y iiwas kay Pacman sa bandang huli). Hanggat hindi pa nagreretiro si Pacquiao, kahit si Marquez pwedeng sabihin (katawa-tawa pero pwede pa ring sabihin) na iniwasan ni Pacquiao na maganap ang kanilang ikatlong pagtatagpo. Imbis na ang pinagtatalunan lang ay kung bakit masyado pang maaga na mailagay si Pacquiao sa Top Fifteen All-Time Greatest Boxers, bakit hindi pagtalunan kung ano ang dapat na ginagamit na sukatan, at kung sino pa ang dapat na kasama ni Pacquiao (assuming pabor kayo na isama siya sa Unang Sampu o Lima) at bakit daig niya ang iba – ang mga katulad ni Robinson, Ali, Louis, Armstrong at Hagler. (At bakit din hindi isinama si Carlo Monzon, si Harry Greb, si Willie Pep o si Joe Walcott). May ilan pang nalalabing paksa na kailangang tutukan bago tayo magtapos: 1. Si Pacquiao na nga ba ang pinakamagaling na Pilipinong boksingero? Marahil ang sagot ng marami sa atin ay "oo." Pero baka naman kaya nating sagutin ang tanong na ito nang hindi minamaliit – o kinakalimutan – ang mga nakamit din ng iba pang dakilang boksingero ng ating bayan? Pag may nakausap kang Pinoy ngayon tungkol sa boksing, malamang marami siyang makekwento sa iyo tungkol kay Pacquiao. Pero kung tanungin mo siya tungkol sa ibang boksingerong Pilipino, malamang maubusan siya ng kwento. Hindi ba nakakapanghinayang? Dahil sa tagumpay ni Pacquiao, may pagkakataon tayo na makilala uli ang mga nauna sa kanya. Si Gabriel "Flash" Elorde na tubong Cebu. (Pinakamagaling na superfeatherweight champion sa buong kasaysayan ng boksing ayon sa WBC; unang Asianong kinilala sa International Boxing Hall of Fame. Sa 117 laban, 88 ang kanyang panalo at 33 nito sa pamamagitan ng KO, at may 27 pagkatalo at dalawang draw.) Magbigay-pugay tayo sa dakilang si Pancho Villa, tubong Negros Occidental. (Ikalawang Asianong kinilala sa International Boxing Hall of Fame. Kabuuang laban – 109. Panalo, 92 at 24 nito sa pamamagitan ng KO. Walo ang talo at apat ang draw) Magbigay-pugay tayo sa Manilenyong si Luisito "Lindol" Espinosa. (Dalawang titulo sa dalawang magkaibang weight class. Sa 60 laban, 47 ang panalo ni Lindol at 26 nito sa pamamagitan ng KO; 13 ang kanyang talo.) Huwag kalimutan si Ceferino "Bolo Punch" Garcia (tanging Pinoy na naging middleweight champion. Sumabak sa 142 laban, 102 ang panalo at 67 sa pamamagitan ng KO), si Dodie Boy at Gerry Peñalosa, si Mansueto "Onyok" Velasco na nanalo ng silver medal noong 1996 Olympic games at kanyang kapatid na Roel (bronze, noong 1992 Olympics), pati na rin si Rolando "Bad Boy" Navarrete. Napakarami pang propesyonal at amateur na boksingero na nagbigay ng dangal sa Pilipinas. Tama lang na magpasalamat tayo sa karangalang inalay ni Pacquiao sa ating bayan – at napakalaking karangalan ito – ngunit huwag nating iangat siya sa pamamagitan ng pagmamaliit, o pagkalimot (di kaya pagmamaliit na rin ito?), sa iba pang mandirigmang Pilipino. 2. Pagpasok ni Pacquiao sa politika Sinalubong ng dismaya at pangangantyaw ang unang pagtangka ni Pacquiao na pumasok sa politika noong 2007. Nabigo si Pacquiao sa kanyang balakin at tumanggap ng maraming panunuya ang dakilang boksingero kasama ng maraming paratang na nagpapagamit lang siya sa mga politiko. Umaalingasaw na naman ang mga akusasyon ngayong nagpahiwatig na uli si Pacman na balak niyang lumusong uli sa halalan ng 2010. Bagamat hindi na kasing ingay – o kasing-lupit – ng dating paninira, minamaliit pa rin ng marami ang pagnanais ni Pacman na pasukin ang buhay politika. Tama nga bang pumasok si Pacman sa politika? Ang simpleng sagot – aba, bakit naman hindi? Bakit ba ang bilis humusga ng ilan sa atin? Aktor, maralita, pesante, bakla, tomboy, mang-aawit, basketbolista at boksingero – kung may interes silang seryosong maglingkod sa taumbayan – patas ang kanilang kwalipikasyon na manungkulan sa bayan kumpara sa napakaraming mambabatas ngayon sa Kongreso. Si Lito Lapid walang maipakitang pakinabang, ngunit hindi dahil aktor siya kundi dahil tinuring niyang inidoro ang kanyang posisyon. Bilang trono na pampalipas ng araw at pagkakataong magpabinyag sa marangyang lugar. E bakit si Jaworski? Hindi man kasing sikat ng nagawa ng marami niyang kasama sa lehislatura, marami rin siyang naitulak bilang mambabatas partikular sa kanyang pamumuno sa komiteng hinggil sa kalikasan sa Senado. Ano na ba talaga nagawa ng sandamukal na abogado sa loob ng Batasang Pambansa ngayon para iahon sa kahirapan ang Pilipinas? Kung may karapatan silang tumakbo, may karapatan din si Pacquiao. Mananalo na kaya siya o mana-knockout uli? Taumbayan ang maghuhusga – at taumbayan din ang aani – sa resulta ng kanilang desisyon. 3. Bakit ba pinuna si Chino Trinidad? Si Chino na ang pinakamahusay na komentarista sa telebisyon ngayon dahil matatas siyang mag-Filipino at may pamamaraan siyang tila nakikipaghuntahan lang sa mga manonood ng kaniyang mga programa. Pag nagsalita si Trinidad, malimit parang direkta niyang kinakausap ang viewers. Malawak ang kaalaman niya sa sports at saksaaaaaakan ng layo ang kalidad at kakayahan niya kumpara sa mga katulad ni Ronnie Nathanielz (na kahit nag-i-Inggles ang intindihin; ngayon pang nagpupumilit mag-Filipino lalong hindi siya maintindihan). Pero pag nag-ulat sa mga boxing match, sana hindi lamang papuri sa pambato ng Pilipinas. Sana panaka-nakang sumasangguni siya sa mga nakaraang laban na may relasyon sa pinapanood ng mga Pinoy. Halimbawa, sa maraming pagkakataon, lalo na sa Round 4 at 7 at 8 sa laban ni Pacquiao kay Cotto, tila nagbalik uli ang multo ni Margarito nang paatras nang gumagalaw ang Puerto Rican. Maganda rin sana kung nagamit ni Trinidad bilang reference ang laban ni Cotto kay Mosley habang mainiti na nagpapalitan ng jab si Pacman at Cotto nung Round 2. Hindi na kailangan ng maraming superlatiba tungkol sa bilis ng kamao ni Manny. Ang mas masarap sanang pakinggan, sa matatas na uri ng pagpapahayag ni Trinidad, ay kung ilang suntok ang sapol at saan galing –parang reporting niya rin sa basketbol, pero imbis na pasa, dakdak o three points, ang pagpapahayag ay Chino-stakato din, parang armalite – "nagpakawala ng kanan! Sinundan ng kaliwa, ilag si Manny, isa pang kanan, jab, tumama ang kaliwa, yanig si Cotto, tumba!" Yun bang kahit ipikit mo ang iyong mata at nakinig ka lang sa kanya, para ka pa rin nanonood ng TV. Kasi ganito talaga ang kalibre ni Chino. Minsan lang, nakakalimot.