May solusyon na ba sa basketbol?
Matapos na sana ang hinagpis! Sakaling kayo'y nagbibilang, dalawampung buwan ng suspendido ang Pilipinas sa atas ng FIBA, ang taga pangasiwa ng basketbol sa buong mundo. Isang kasakiman, lalo na kung iisipin kung gaano natin kamahal ang larong ito. Hindi na bale kung halos lahat ng mga tunay na namamalakad ng basketbol dito sa Pilipinas ay handang gawin lahat ng pagmamalasakit upang maibalik lamang ang sigla at paniniwala ng sambayanan sa ating national team. Tingnan niyo na lamang ang PBA. Sa kinatagal-tagal ng panahaon, pahirapan na makuha ang commitment ng ligang ito kapag Philippine team ang pinapag-usapan. Ngayon sila mismo ang nangunguna sa pagtulak ng pagbubuklod ng lahat ng grupo dito sa bansa para lamang mawala na ang ating stado bilang isang suspendidong bansa mula sa FIBA. Sa kabilang panig naman, ayaw pa rin paawat ng tinaguriang Basketball Association of the Philippines sa pagtayo nila bilang hadlang sa tunay na pagkakabuo ng isang tunay na samahan na mangangasiwa ng basketbol dito sa ating bayan. Gagawing lahat ng mga tinaguriang hardliners ng BAP ang lahat para lamang hindi matuloy ang pagbubuklod ng mga basketbol stakeholders. Ito ay upang mapanatili ang kanilang monopoliya sa bulagsak na pamamalakad ng isport ng basketbol. May alam ba kayong ibang solusyon para masawata ang kasakimang nagaganap sa ating minamahal na laro?